Pamahiin Bendita: Para sa ikabubuti ni Baby

Mahal na mahal natin ang ating mga anak. Kung kaya lahat ng makabubuti para sa kanila ay ating ginagawa upang maibigay sa kanila kung ano ba ang kailangan at gusto nila. Iyon nga lang, may mga pagkakataon na di dapat lahat ng naisin nila ay ating ibibigay lalo na kung alam mo naman na makakasama talaga iyon sa kanila.

Halimbawa na lamang kung lagi na lang natin silang bibigyan ng sobra-sobrang pera, baka naman kung anu-ano lamang ang kanilang bilhin. Malaki pa ang tendensiya na kapag marami silang perang makukuha ay ipambisyo lang nila. Huwag mo naman gustuhing mangyari iyon. Siyempre, ikaw na magulang din naman ang magiging kawawa. Kapag kasi nagkaproblema, tiyak na ikaw din ang kanyang tatakbuhan.

Kung baby pa lang naman ang anak mo, mas maiging planuhin mo rin ng tama ang kanyang kinabukasan. Ngunit, bago mo intindihin ang kanyang pag-aaral, mas maiging pabinyagan mo muna siya. Siyempre, kailangan ito ng bawat sanggol. Hindi lang dahil sa mga Ninong at Ninang na mag-aaginaldo sa kanya sa Pasko kundi para maging tunay siyang Kristiyano. Hindi nga lang ako sigurado kung lahat ba ng relihiyon ay kinikilala ang pagbibinyag. Pero sa mga Katoliko gaya ko, importante ang pagbibinyag.

Naniniwala kasi kami na hindi makakaakyat ng langit ang isang tao kung hindi siya nabinyagan. Saka kailangan mo ring malaman na kapag nabinyagan ang bata ay maaalis din ang masasamang espirito na nasa paligid niya. Iyon ang dahilan kaya kapag nawisikan na ng agua bendita ang baby ay makukuha na rin niyang umiyak ng pagkalakas-lakas. Ibig daw sabihin noon ay naitataboy na niya ang masasamang espirito na sa kanyang paligid.

O, nagawa mo na bang pabinyagan ang iyong anak?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here