Tigilan mo muna ang Paghahanap ng Mr. Right

Para sa mga babae, magiging happy lang sila sa isang relasyon kapag natagpuan na nila si Mr. Right. Ngunit, sino nga ba ang tamang lalaki para sa ating mga babae? Siyempre kung sila ay mayroong mala-Prince Charming na mukha at katawan, tapos mayaman, may matatag na trabaho, mabait, sweet, marespeto at kung anu-ano pang magagandang katangian ang ating hinahanap. Ang tanong lang, nabubuhay ba sa ating mundo ang hinahanap natin?

Madaling sabihin na oo naman pero parang imposible. Wala naman kasing taong perpekto, lahat tayo ay may kapintasan. Tanggapin man natin o hindi, iyon ang katotohanan. Saka kahit na mga sinasabi mong may pamantayan ka ng lalaking gugustuhin mong mahalin, hindi iyan natutupad kapag pinana na ni Kupido ang iyong puso. Kung minsan pa nga ay binibiro ka ng tadhana dahil lahat mga katangian na hinahanap mo sa isang lalaki ay hindi mo nakikita sa’yong minamahal.

Kaya, sa halip na hanapin mo si Mr. Right, tiyakin mo na lang na ikaw ang magiging tamang babae para sa kanya. Mas mahalin mo ang iyong sarili. Magpaganda at magpa-sexy ka tapos magtapos ka ng pag-aaral at magkaroon ka ng magandang trabaho. Tiyakin mo rin na ikaw ay magkakaroon ng mabuting puso para sa lahat. Hindi lang sa’yong pamilya at mga kaibigan kundi sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa mundong ito. Kapag nagawa mo iyon ay siguradong makikilala mo ang the best na lalaki para sa’yo.

Iyon nga lang tulad ng sinabi ko, walang taong perpekto kaya huwag mong hanapin sa iisang tao ang lahat ng magagandang katangian. Saka, bago ka maghanap ng Mr. Right, tiyakin mo munang masasabi rin ng lalaki na ikaw si Ms. Right para hindi lang boyfriend ang makuha mo, kundi ang lalaking mag-aalok sa’yo ng kasal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here