Tips para tiyak na in-love sa’yo ang guy

Dear Maria,

Pwede po bang makahingi ng tips para masiguro ko na in-love sa akin ang manliligaw ko. May feelings naman po ako sa kanya pero gusto ko pong makatiyak. Ayaw ko kasing masaktan. Sana po ay matulungan ninyo ako. Maraming salamat po. — Bea

Bea,

Kung talagang mahal mo ang isang tao, hindi mo muna dapat isipin na masasaktan ka lang kapag nagkarelasyon ka. Ang intindihin mo muna ay iyong damdamin na nais makakawala. Sabi nga, ang pag-ibig ay parang sugal. Gayunpaman, naiintindihan naman kita kung bakit nais mong makasiguro kaya ito ang mga sagot ko.

Una, kung binibigyan ka niya talaga ng oras. Kahit nanliligaw pa lang siya ay mas maigi kung bibigyan ka niya ng oras. Iyon bang kahit busy siya sa kanyang trabaho o pag-aaral pero nandiyan pa rin siya para iparamdam niya sa’yo ang kanyang pagmamahal. At higit mong mararamdaman na pinahahalagahan ka niya kung nandyan siya sa panahong kailangang-kailangan mo siya.

Pangalawa, kung humaharap siya sa pamilya mo. Anuman ang hitsura at katayuan niya sa buhay, dapat ay magkaroon siya ng lakas ng loob na ipakilala ang sarili niya sa iyong mga magulang. Ibig kasing sabihin noon ay talagang seryoso siya sa’yo.

Pangatlo, kung nirerespeto ka niya.  Bilang manliligaw kailangan ay maginoo siya sa’yo. Hindi siya nagbibitaw ng green jokes at hindi ka niya pipilitin na sagutin mo siya agad. Sa halip, patuloy lang niyang iaramdam sa’yo ang kanyang pagmamahal.

O, sana ay nagawa kitang matulungan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here