Dear Maria: May ibang pamilya si Mister

Dear Maria,

PInagtaksilan ako ng mister ko at napakasakit nito sa akin lalo na’t nagbunga ang kanyang kataksilan. Marami ang nagsasabi na dapat ko na siyang hiwalayan pero hindi ko kaya, kaya, kahit masakit ay tinanggap ko ang sitwasyon lalo na’t hindi ko naman siya mabibigyan ng anak. Tama ba ang ginawa ko? – Joan

Joan,

Mahal mo ang iyong mister kaya nagagawa mong magtiis. Hindi naman kita masisisi riyan dahil kung talagang mahal mo ang isang tao, kahit na sobrang sakit ang ginawa niya nakukuha mo pa ring tanggapin. Iyon nga lang, natural lamang na marami ang kumuwestiyon sa desisyon mo dahil para sa kanila, sundin mo lang ang tama. Mahirap lang gawin iyon kapag puso ang kalaban.

Ang intindihin mo ay ang relasyon mo sa’yong mister. Alamin mo kung ano ba talaga ang plano niya. Ang mahalaga lang ba talaga sa kanya ay ang anak niya doon sa babae o baka naman may relasyon din sila nu’ng ina ng kanyang anak? Para sa akin, kung wala naman silang relasyon nung babae, tanggapin mo na lang ang sitwasyon. Baka nga ang gusto lang niya ay maging mabuting ama.

Ngayon kung sasabihin mong may relasyon sila nu;ng babae, mas maigi pa ngang matauhan ka. Lahat ng pag-ibig ay may hangganan. Hindi porke nagmamahal ka hahayaan mo na lang yurakan ng iba ang damdamin mo. Kahit na mahal mo siya wala siyang karapatang gawin iyan. Gayunman, ikaw pa rin ang magdedesisyon ng dapat mong gawin dahil buhay mo ‘yan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here