Dear Maria: Lasenggero si Mister

Dear Maria ,

Kapag may problema  kami ng mister ko, inuuna pa niya ang paglalasing kaysa pag-ayos sa aming problema. May pagkakataon pa ngang sinasaktan niya kami ng anak ko. Ano ang aking gagawin? — Pamela

Pamela,

Kapag ba sinabi kong iwanan mo ‘yang mister mo, gagawin mo? Kahit sabihin mo na nagsumpaan kayo sa harap ng altar, hindi pa rin makatarungan iyong sinasaktan ka niya at idinadamay pa niya ang inyong anak. Siguro naman ay alam mong may masamang epekto ‘yan sa isipan ng iyong anak. Huwag mo namang hayaang mangyari iyon at matitigil lang ‘yan kung mawawala na ang mister mo sa inyong buhay.

Kung mahal mo ang mister mo, dapat mas mahal mo ang iyong anak at ang iyong sarili. Baka sa susunod ay hindi lang pananakit ang magawa niya sa inyong mag-ina. Hihintayin mo pa bang mangyari iyon? Sana naman ay huwag na. Kaya, ngayon pa lang ay iligtas na ninyo ang inyong mga sarili.

Kung talagang mahal naman kayo niyang mister mo, aayusin niya agad ang problema at hindi siya maglalasing lalo na’t alam niyang makakapanakit lang siya. At ikaw naman,huwag kang makuha sa kaka-sorry niya. Dapat ay maging matibay ang iyong loob. Kung alam mong kailangan mo na siyang alisin sa buhay mo, gawin mo na.

Gayunman, ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ano ba ang nararapat mong gawin. Panatilihing buo ang inyong pamilya na laging masakit ang katawan kapag nalalasing ang iyong mister o kakayanin mong buhayin ang inyong anak na walang anumang inaalala na baka may manakit sa inyo? Pili ka lang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here