TIPS PARA SA MATURE SKIN MAKEUP

Kapag tumuntong na sa edad na fifty, maraming babae ang kinakalimutan na ang pagme-makeup. Imbes kasi na maka-enhance ng look, parang lalo lang inilalabas ng makeup ang katandaan. Ang mga makeup rules na kanilang sinusunod noong 20s at 30s ay hindi na applicable. Pero hindi naman dapat tuluyang talikuran ang pagme-makeup kahit nag-mature na ang skin. Puwede pa rin maging flattering ang full makeup sa older women basta dapat lamang malaman ang mga tamang produktong gagamitin at kung paano sila gagamitin.

SKIN PREPARATION

Kung noong 20s at 30s o kahit noong 40s ninyo ay nagagawa niyo pang i-skip ang skin preparation, kapag 50 years old up na hindi na ito puwedeng laktawan. Kailangan kasing nasa tip top condition ang inyong balat kahit hindi na ito flawless. Madali lang takpan ng makeup ang mga age spots at broken capillaries kung na-exfoliate ang skin at well-hydrated ito. Ang page-exfoliate ay nakaka-improve ng overall skin texture. Inaalis nito and dryness at flakiness na hindi maganda lalo na kapag pinatungan ng foundation. Ang moisturizer naman ay nagpapa-plump sa skin na nakakatulong sa pagiging less visible ng mga lines and wrinkles. Para sa pinakamabisang resulta i-apply ito bago pa man tuluyang matuyo ang toner. Huwag ding kalilimutang maglagay ng sunscreen umulan man o umaraw para proteksyunan ang sensitibo ninyong balat.

Ang key sa skincare ay kilalanin ang inyong skin type. Bumili ng mga skincare and makeup products na naaayon sa inyong skin type.

FOUNDATION PRIMER

Kung dati ay maganda pa rin ang kinalalabasan ng inyong makeup kahit hindi gumamit ng foundation primer, para sa mature skin hindi na puwedeng laktawan ang paggamit nito. Ang primer kasi ay nakakatulong sa pagmi-minimize ng paglitaw ng malalaking pores, pinapantay din nito ang skintone at nakakatulong sa pagpe-prevent sa pagkolekta ng mga foundation sa lines at wrinkles. Ginagawa rin nitong fresh ang makeup sa loob ng mahabang oras.

FOUNDATION

Kalimutan mo na ang mga foundation na ginamit mo 10 or even 20 years ago. Maaaring naging maganda ang coverage niyon sa iyo pero hindi mo na makukuha ang parehong resulta ngayon dahil nag-mature na ang iyong skin at kailangan foundation na formulated for mature skin na ang iyong gamitin.

Sa dami ng mga klase ng foundation na lumalabas ngayon sa market, ang ina-advise para sa mga may mature skin ay liquid at cream types. Kung clear at hindi naman karamihan ang blemishes mo, liquid foundation ang gamitin mo. Ang mga minor flaws ay maaaring matakpan sa pamamagitan ng layering. Sa ganitong paraan makakaiwas ka sa paggamit pa ng concealer. Ang cream foundation ay nagbibigay ng better coverage para sa mga age spots at broken capillaries. Para tuluyang maitago ang mga blemishes, kakailanganin mo pa rin ng concealer pero hindi na kasing dami ang kailangan mong gamitin kumpara kapag liquid foundation ang ginamit mo. Ang tendency kasi ng concealer kapag nasobrahan ng lagay ay nagiging “caked” iyon.

Ang isa pang advantage ng paggamit ng cream foundation ay ang superior moisturizing properties nito. Kaya kung dry ang skin mo, cream foundation ang bagay sa’yo.

CONCEALER

I-apply lamang ang concealer pagkatapos mailagay ang foundation. Sa ganitong paraan ia-apply mo lang ang concealer sa mga parteng hindi matakpan ng foundation.

Kung gagamitin ang concealer bilang pantakip sa age spots, gumamit ng rounded concealer brush para ma-control ang amount na iyong ilalagay. I-dab ang concealer sa flaw gamit ang dulo ng brush hanggang sa tuluyan iyong maging invisible.

Kung mayroon kang dark undereye circles, mabuting maglagay muna ng yellow color corrector sa ilalim ng foundation para ma-neutralize ang bluish-purple tone. I-apply lamang ang regular concealer kapag nakikita pa rin ang dark circles kahit nalagyan na ng foundation. Huwag susubukang takpan ang dark circles gamit ang concealer na lighter sa iyong complexion, lalo lang niyong gagawing visible ang pangingitim ng ilalim ng mata.

Para matakpan ang broken capillaries, gumamit ng green color corrector sa ilalim ng iyong foundation. Kakailanganin mo pa ring maglagay ng regular concealer kung visible pa rin ang broken capillaries kahit natakpan na ng foundation.

POWDER

Pressed o loose powder man ang iyong balak gamitin, parating gumamit ng large powder brush. Imbes na i-brush iyon sa mukha, i-dab lang iyon mula sa noo pababa sa baba.

POWDER BLUSH

Powder blush ang gamitin kung naka-foundation ka. Pumili ng mga soft colors tulad ng apricot at rose depende sa iyong natural na skin tone. I-blend nang maayos para magmukhang younger at fresher.

LIPSTICK

Lumilipis ang lips habang tumatanda, lumalabas na rin ang wrinkles sa ibabaw ng upper contour. Para gawing fuller at smoother ang iyong lips, gumamit ng light toned, satin finish lipsticks. Umiwas na sa bright, dark colors at matte products. Mas lalo kasing nakakalipis ang mga iyon ng labi. Ang isa pang problema sa matte lipsticks ay nakakatuyo iyon ng labi na hindi  magandang tignan sa older women.

Nakaka-plump up man ang lip gloss pero hina-highlight niyon ang wrinkles kaya mabuting iwasan ito.

EYELINER AT MASCARA

Gumamit ng pencil eyeliner imbes na liquid. Softer kasi ang look na nililikha ng pencil kaysa liquid eyeliner na harsh sa aging eyes.

Iwasan na rin ang black mascara dahil masyado iyong harsh sa aging eyes. Brown o dark gray na lang ang gamitin.

EYESHADOW

Matte powder eyeshadow ang dapat gamitin ng mga may aging skin. Ang mga cream at glossy products kasi ay nakaka-highlight ng wrinkles.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here