NATURE REPUBLIC ALOE VERA GEL: BAKIT BA PINAGKAKAGULUHAN?

Six months ago nang payuhan ako ng kaibigan kong gumamit ng Nature Republic Aloe Vera Gel. Namomroblema kasi ako sa pagiging dry at dull ng skin ko. May isang taon na rin daw nila itong ginagamit ng Mommy niya at na-solve daw niyon ang dryness ng skin nila. Usually bago ako mag-try o bumili ng kahit anong beauty or skincare product, nagbabasa muna ako ng mga reviews online. Pero sa kaso nitong Nature Republic, binili ko muna siya bago ako nagbasa ng reviews. Very affordable naman kasi ito. Kung hindi ako nagkakamali P245 lang ang bili ko rito sa Nature Republic branch sa Megamall. Mas mura pa nga raw ito kung bibilhin online.

Pag-uwi ko noong gabing iyon, nag-research kaagad ako tungkol sa Korean skincare product na ito. Nagulat ako dahil hindi lang pala ito basta moisturizer, napakarami pa nitong ibang gamit. Ako iyong tipo ng tao na gusto kong sinusulit nang husto ang mga bagay na binibili ko. At hindi ako na-disappoint sa produktong ito. Sulit na sulit talaga.

PAANO BA GAMITIN ANG NATURE REPUBLIC ALOE VERA GEL?

MOISTURIZER

Sa loob ng refrigerator ko inilalagay ang tub ng aloe vera gel. Sa init ng panahon natin, napakasarap gumamit ng mga produkto na may cooling effect. Itong aloe vera gel ang final step sa aking skincare routine. Dahil nagkaroon ako ng breakout, gumagamit ako ng anti-pimple soap and toner kaya naging dry ang skin ko lalo na sa gilid ng ilong at bibig.  Sa mga parteng iyon ko dinamihan ang paglalagay ng aloe vera gel. Twice a day ko iyong ginawa at napansin ko na nawala ang hapdi at dryness sa gilid ng ilong at bibig ko. Nawala rin ang mga natitira kong butlig sa noo at ilong. Mula nang isinama ko ito sa aking skincare routine, hindi na ako ulit nagkaroon ng breakout. Marami rin ang nakapansin na lumiwanag at kuminis daw ang mukha ko. Kaya naman kahit may laman pa ang tub ko, bumili kaagad ako ng panibago. Mahirap na at baka maubusan pa ng stock.

Puwede ring gamitin bilang exfoliator at massage pack ang aloe vera gel. Dagdagan lang ito ng honey at brown sugar at saka imasahe sa mukha. Kung hindi available ang honey puwede ring gumamit ng olive oil.

PAMPA-RELAX NG PAGOD O NAMAMAGANG MGA MATA

Dahil kailangan sa trabaho ko ang parating nakaharap sa laptop, at the end of the day damang-dama ko ang pagod ng mga mata ko kaya kumukuha ako ng 2 cotton pads at pinapahiran iyon ng aloe vera gel. Ibinababad ko iyon sa aking mga mata habang naghihintay ng antok. Napakaginhawa sa pakiramdam lalo na kung galing sa refrigerator ang aloe vera gel. Nakaka-relax ang lamig. Sa umaga naman kung gusto kong magising ang inaantok kong mga mata, inuulit ko lang din ang pagbababad ng cotton pads na may aloe vera gel. Instantly ay nagiging clear at gising na gising ang aking mga mata.

HAND AND FOOT PACK

Kung minsan hindi na  kaya ng lotion lang ang dryness ng paa at kamay ko, kaya iminamasahe ko sa kamay at paa ko ang aloe vera gel. Nagsusuot ako ng gloves at medyas habang natutulog at paggising ko ay malambot at wala na ang dryness ng kamay at paa ko.

NAIL ESSENCE

Dahil sa parating paggamit ng nail polish, naging dry at marupok ang aking mga kuko kaya pinaghalo ko ang isang tablespoon ng aloe vera gel at hinaluan ng tatlong patak ng olive oil. Isinawsaw ko ang cotton ball sa mixture at ipinahid iyon sa aking polish-free nails. Hinayaan ko lang ma-absorb ng aking mga kuko ang mixture. Sa regular na paggawa ng proseso ay bumalik na sa pagiging healthy ang aking nails.

BODY CARE

Sa init ng panahon natin, nakakairita ang pakiramdam ng may lotion sa katawan. Pero dahil hindi naman puwedeng walang moisturizer ang dry kong balat, aloe vera gel ang ginagamit ko. Bukod sa malamig, hindi rin ito malagkit dahil gel form. Tulad ng epekto nito sa mukha, glowing din ang aking buong katawan.

FOR RELAXING SUNBURNS

Personally, hindi ko pa nasusubukang gumamit ng aloe vera gel para sa sunburn. Pero may isa akong kaibigan na nakatulog habang nagsa-sunbathing, paggising niya ang hapdi raw ng mukha niya. Mabuti na lang dala niya ang kanyang aloe vera gel. Malaki raw ang naitulong nito sa pagpapakalma sa kanyang mahapding balat. Patuloy niya pa iyong ginamit at napansin niyang bumilis ang pag-recover ng kanyang nasunog na balat.

AFTER-SHAVE CREAM

Obviously hindi ko pa ito nasusubukan pero according sa father at kapatid ko, maginhawa raw ang pakiramdam ng balat nila nang pahiran ng aloe vera gel matapos mag-ahit at mas malambot at makinis din ito.

MAKEUP BASE

Kung gagamiting makeup base, siguraduhing manipis lang ang ipapahid sa mukha dahil kapag nasobrahan ay puwedeng mabilis na mahulas ang makeup lalo na kung mainit ang panahon. Ilagay ito tulad ng kung paano maglagay ng primer. Hintayin itong matuyo bago i-apply ang makeup. Napansin kong mas madaling ipahid ang foundation at nagkaroon din ako ng dewy finish.

HAIR TREATMENT

Maraming gamit ang aloe vera gel para sa buhok. Puwede siyang gamiting pampatubo, bilang treatment kung dry at damaged ang buhok at pang-style.

Dahil lumilipis ang aking buhok, hinahalo ko ang Castor Oil at aloe vera gel. Iminamasahe ko ang mixture sa anit ko at ipinapahid sa buhok. Naglalagay ako ng shower cap at ibinababad ang mixture sa ulo ko overnight. Paggising, binabanlawan ko ng malamig na tubig at shampoo ang buhok ko. Sa regular kong paggawa nito isa hanggang dalawang beses isang linggo, napansin ko ang pagtubo ng baby hair. Hopefully magpatuloy pa iyon hanggang sa maging long, thick and bouncy na ang hair ko.

Dahil sa kakakulay ng buhok, naging dry and damaged ang buhok ko.  Pinaghahalo ko ang equal  parts ng aloe vera gel at olive oil. Iminamasahe ko ang mixture sa aking buhok at makalipas ang kalahating oras, binabanlawan ko na iyon at ginagamitan ng mild shampoo. Ang purpose nito ay pang deep conditioning na kailangan ng dry and damaged hair.

Kung gusto mong mag-style ng buhok pero iniiwasan mo ang mga kemikal ng wax at hair gel, puwede mong gawing alternatibo ang aloe vera gel.

MASCARA

Kung bata ka pa at bawal ka pang gumamit ng mascara o kung umiiwas ka na sa paggamit nito dahil sa damage na maaaring maidulot nito sa iyong pilikmata, puwede mong gamitin ang aloe vera gel bilang substitute. Gamit ang cotton bud, kumuha ng maliit na amount ng aloe vera gel at i-apply iyon sa curled eyelashes mo. Puwede mo ring i-apply iyon sa lower lashes. Dahil magdidikit-dikit ang pilikmata, magmumukha iyong makapal at mas maitim na para bang gumamit ka talaga ng mascara.

Hindi na ako nagtataka kung bakit pinagkakagaluhuan ang Nature Republic Aloe Vera Gel. Bukod kasi sa very affordable  ito ay napaka-versatile din nitong produkto. Kaya ano pang hinihintay ninyo? Subukan na rin ninyo ang Nature Republic Aloe Vera Gel at ma-amaze sa napakaraming benepisyong makukuha mula rito.

Join us on Facebook

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here