5 Golden Tips Para Maabot ang Golden Wedding Anniversary

Isa sa pinakamasaya at pinakamemorableng okasyon sa buhay ng isang tao ay ang kanyang kasal. Ang araw ng kanyang kasal sa taong pinakamamahal niya at handang pag-alayan ng buhay. Pero gaano nga ba ang itinatagal ng pagmamahalan sa ilalim ng kasal? Sigurado namang walang bride at groom ang magnanais na isa hanggang tatlong taon lang na maging masaya ang kanilang pagsasama at hindi man lang sila umabot ng Bronze (8th) at silver (25th) wedding anniversary? Lahat ay nangangarap ng forever. At kung ang inyong wedding anniversary ay umabot na sa golden, o ika-50th na masayang pagsasama, maituturing na kayong napakasuwerte sa larangan ng pag-ibig. Narito ang limang golden tips para sa mga nangangarap din na makapagcelebrate ng golden wedding anniversary.

1.Panatilihin ang maganda mong pag-uugali. Hindi porket alam mong mahal na mahal ka niya ay gagawin mo na siyang utusan o sunud-sunuran sa’yo. Ang pakikisuyo sa bawat pag-utos mo at pasasalamat ay tanda ng iyong pagrespeto sa kanya.

2. Pagtitiwala sa kabila ng pagdududa. Hindi maiiwasan na sa buhay ng mag-asawa ay dumarating ang pagkakataon na nagkakaroon ng pagdududa. Maaaring tungkol sa pera o kabuhayan at maari din namang tungkol sa third party. Hindi ito healthy sa isang relasyon kaya dapat lang na ito ay maagapan. Isang masinsinang pag-uusap lang ang solusyon kung ikaw ay naguguluhan. Kung siya ay may ibinigay na eksplanasyon, sikapin mong pagkatiwalaan ito kaysa pagdudahan lalo na kung wala ka namang ebidensya sa iyong hinala.

3. Pagbibigay kulay sa bawat araw. Ang nakakabagot na relasyon kadalasan ay nagiging sanhi para maglaho ang magic sa pag-ibig. Sa araw-araw ninyong pagsasama kailangan maipadama mo sa kanya na marami pa kayong pwedeng subukan na mga bagay. Gawin nyo ang mga bagay na hindi nyo pa nagagawa na alam nyong makakapagbigay sa inyo ng thrill at magbibigay ng napakagandang kulay sa inyong pagsasama. Pwedeng sa loob ng bahay na kayong dalawa lang o sa labas kasama ang iba pang miyembro ng pamilya.

4. Pagbibigayan. Walang dapat na lider sa inyong dalawa. Hindi ang wife o hindi rin ang husband ang dapat na makapangyari sa inyong tahanan. Bigyan ng pagkakataon ang isa’t-isa na mamuno sa isang pagkakataon o pagdedesisyon. Bigyan ng halaga ang opinyon ng bawat isa upang maging mas epektibo ang mga plano para sa pamilya.

5. Pagdarasal ng magkasama. Hindi ito dapat mawala sa isang mag-asawa. Ang mga taimtim na panalangin para sa ikakabuti ng relasyon at ng pamilya ay pinakikinggan ng langit. Anuman ang relihiyon na pinaniniwalaan, ang pagkakaisa ng mga puso ay dapat pagtibayin nito.

Ilan lang ang mga iyan sa napakaraming tips na maaari ninyong magamit bilang gabay  para sa pinapangarap ninyon golden wedding anniversary. Pero kahit lima pa lang ‘yan kung isasabuhay ay hindi malayong maging ginintuan nga ang inyong pagsasama kahit maputi na ang inyong mga buhok.

Join us on Facebook

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here