Puso o Utak, ano nga ba ang dapat sundin para maging happy?

Kung nais mo raw maging masaya, kailangan ay sundin mo ang sinasabi ng iyong puso. Piliin mo ang taong mahal mo. Kung ganoon talaga ang sistema, bakit may mga magkakarelasyon na sa simula lang nagmamahalan pero hindi rin tumatagal ang kanilang relasyon? Ang damdamin kasi natin ay mabilis na magbago kaya kapag nakakita ka ng mali sa isang tao, parang mawawalan ka na rin ng gana na ipagpatuloy pa ang inyong relasyon. Iyon nga lang may pagkakataon na mari-realize mo lang ang pagkakamali mo kung masyado ng malalim ang inyong relasyon. Kalimitan nga, naghihiwalay lang ang magkarelasyon kapag may responsibilidad ng nais takbuhan ang lalaki.

Kung utak naman ang iyong susundin, hindi ka rin magiging maligaya dahil nga, wala ka namang nararamdaman sa kanya. Parang sinagot o niligawan mo lang siya dahil may intensyon kang makuha. Kalimitan, nangyayari ito kapag nais mabago ng isang tao ang kanyang estado sa buhay. Marahil may yaman na ipagmamalaki si lalaki o si babae. Ngunit, kahit na nagpakasal pa sila, hindi mo pa rin makukuhang maging masaya, kahit pa nasa iyo na ang lahat kung talagang wala kang damdamin sa partner mo.

Magiging happy ka lang talaga kapag ginamit mo ang iyong puso at ang iyong utak. Hindi sila dapat na magkahiwalay gamitin dahil hindi ka naman magiging matagumpay kung isa lang sa mga ito ang pipiliin mo. Pero, magiging matagumpay lang ang inyong pagmamahalan kapag ipinaglaban ninyo ang inyong relasyon sa tamang panahon. Kailangan kasi mayroon na kayong magandang trabaho at handa na talaga kayong sumabak sa pag-aasawa.

Kaya, huwag ka rin magmamadali, lalo na kung bata ka pa naman. Mag-aral ka munang mabuti at tuparin mo muna ang iyong pangarap. Kapag kasi may pinanghihinayangan ka sa’yong buhay, hindi ka pa rin lubos na magiging maligaya kahit kasama mo pa ang taong mahal na mahal mo. Malaki rin ang tsansa na lagi lang kayong mag-aaway at huwag mo itong hayaan na mangyari.

Muli, sinasabi kong kapag gusto mong magkaroon ng masayang lovelife, gamitin mo ang iyong utak at puso. Magtatagpo lang ang iyong utak at puso kapag sumapit ang tamang panahon. Tandaan mo, hindi ka lang nabubuhay sa mundong ito para maging maganda ang takbo ng iyong lovelife. Kailangan pagandahin mo muna ang iyong buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here