BAKIT KA SINGLE?

Marami tayong kilala, kaibigan at kamag-anak na single pa din hanggang ngayon sa kabila ng idad na ika nga ay wala na sa kalendaryo. Ating alamin ang kanilang istorya at ilan sa mga rason. Si Ron-ron ay nasa idad na 45. May maayos na trabaho. Sa idad niya, siya ay nanatiling single. Alam naman natin na kapag ang isang babae o lalaki ay umabot sa ganitong idad na single ay nagiging tampulan ng biruan at kantiyaw. Bakit ganito? Bakit ganyan? Pero bakit nga ba, lalo na sa  parte ng isang lalaki. Dito sa bansa natin ay alam naman natin na nakaugalian na natin na sila ang nanliligaw. Madali sa part nila na magkaroon ng ka-relasyon. Pero kahit minsan ba ay tinanong natin sila kung ginusto ba  nila ang ganiyang sitwasyon.

 Masaya  ba sila? Atin din intindihin at maging sensitibo tayo kapag tayo ay nagtatanong sa sitwasyon nila. Maraming factor kung bakit nanatili na single ang isang tao. Sa sitwasyon ni Ron-ron ay choice niya na manatiling single. Sobrang mapagmahal siya sa pamilya.  Mas iniisip niya a na makapiling ang kaniyang magulang dahil naranasan na ng pamilya niya na maagang  mawalan ng mahal sa buhay. Namatay ang kaniyang dalawang kapatid na babae dahil sa kumplikasyon sa kidney. Si Jenny at Josie ang pangalan ng kanyang mga kapatid. Nauna nang dinapuan at namatay si Jenny dahil sa kidney failure.

 Hindi ba at napakasakit para sa isang magulang na maghatid ng anak sa libingan. Dahil ika nga, dapat ang anak ang naglilibing sa magulang, hindi ang magulang ang maglilibing sa anak. Ramdam na ramdam ni Ron-ron ang sakit na naramdaman ng kaniyang magulang. Lalo na ang sakit na naramdaman ng kaniyang Ina. Sabi nga niya ay kung puwede lang akuin niya lahat ng sakit na naramdaman nito ay aakuin niya. Tatlong taon ang nakalipas ay sumunod na nagkasakit si Josie sa parehong rason, kidney failure. Pero bago pa man na mamatay si Josie ay bukal sa puso niyang idinonate ang kanyang kaliwang kidney sa pag-asang madudugtungan pa ang buhay nito. Ngunit kahit ginawa na nilang lahat ay bumigay at kalaunan ay namatay na din ito. Minsan pa, ay muli na namang gumuho ang mundo nila. Higit lalo ang kaniyang Ina, dahil sa pangalawang pagkakataon ay maglilibing siya ng anak.

Habang tumatangis ito ay lihim na nagmamasid si Ron-ron dahil ayaw niyang ipakita sa Ina niya na siya man ay sobrang apektado at nasaktan. Gusto niya na siya ang maging  sandalan ng pamilya. Ilan taon bago niya nakitang muli ang sigla ng kaniyang Ina. Sapul nun ay naging sentro na ito ng buhay niya.  Pinilit niya punuan ang pangungulila nito sa kaniyang dalawang kapatid na nawala. Kinalimutan ang sariling plano para sa buhay niya. Isa lang ito sa patunay na sa may mga tao na sa pamilya talaga nila natatagpuan at nararamdaman ang tunay na kaligayahan. Pero isa lang ito sa dahilan kung bakit nanatili at pinipili ng iba na manatiling single.

May kani-kaniyang dahilan kung bakit pinipili ng ilan na manatiling single. Marami akong kaibigan na nasa ganitong sitwasyon. Aking silang tinanong at narito ang ilan sa mga rason at ating alaming kung bakit nanatili silang single :

  1. Gaya nga ng nabangit, ang pinakamatinding rason ay ang Pamilya. May ilan na sila ang inaasahan ng pamilya. Breadwinner ika nga. Naiisip nila na mapapabayaan nila ang mga ito kapag sila ay nag-asawa na. Dahil iniiisip nila na magiging kaagaw ng pamilya niya ang kanilang mapapangasawa.
  2. Trabaho. Marami sa kanila ang nakulong na sa mga trabaho. Ginamit ko ang salitang nakulong dahil hindi na sila makawala. Trabaho at bahay na lang ang nagiging daily routine nila. Naka-set na ang utak nila na after ng trabaho ay pauwi agad ng bahay.
  3. Masyado silang competitive. Ayaw nila na mag-settle for less. Gusto nila ay financialy and emotionally stable sila bago ang lumagay sa tahimik. Na sa aking palagay ay tama lang naman. Huwag lang sumobra sa expectation sa mga sarili nila.
  4. Ang career / trabaho na ang kanilang “true love”. Natatakot sila na pakawalan ito at baka maagaw pa ng iba.
  5. Inferiority complex. Nakakalungkot isipin na may mga kakilala tayo na kulang ang kumpiyansa sa sarili. Dahilan kung bakit hindi nila makuhang diskartehan ang taong nagugustuhan. May malalim na dahilan kung bakit nagkakaroon ng inferiority complex ang isang tao.
  6. Pagkabigo sa pag-ibig. May mga taong hindi tuluyang makalimot sa sakit na dulot ng mga nakaraang pag-ibig.

Ilan lamang ang ito sa rason. Marahil kung bubuksan natin ang puso nila. Malalaman natin na ilan sa mga ito ay hindi ginusto ang kanilang sitwasyon. Self-denial na okay lang sila. Pero may ilan din naman na nae-enjoy sa kalayaan ng pagiging single. Kaya huwag natin husgahan o hayagang tanungin kung bakit single ang isang tao. Maging sensitive tayo sa kanilang nararamdaman. Parati natin ilalagay ang mga sarili natin sa sitwasyon nila. Kaya para sa kaibigan kong si Ron-ron. Proud single siya. Keber siya sa mga nagtatanong kung bakit hanggang ngayon ay wala pa din siyang pamilya. Hindi nga naman niya obligasyon na ipaliwanag sa lahat kung bakit siya ay SINGLE up to now. Single siya at wala tayong Paki!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here