HINDI PA NAKIKITA NG PERSONAL ANG FIRST BOYFRIEND

Dear Maria,

Matatawag po bang first boyfriend ko ‘yung bf ko sa chat pero hindi pa kami nagkikita? Para kasi sa akin sapat na iyong guwapo siya sa kanyang profile picture. — Samantha

Samantha,

Kung sinagot mo siya, oo boyfriend mo  siya. Siya ang first boyfriend mo. Pero, hindi ganoon kaseryoso dahil hindi pa naman kayo nagkikita. Para lang naging magkarelasyon kayo dahil kailangan lang ninyo ang isa’t isa. Pareho kasi kayong nakakaramdam ng pagkainip. Marahil masyado kayong busy sa inyong trabaho o pag-aaral kaya wala na kayong oras na makihalubilo sa ibang tao. Dahilan iyon kaya natagpuan ninyo ang isa’t isa.

Kung sasabihin mong mahal ninyo ang isa’t isa, okay, ‘yan ang paniwalaan mo. Ang tanong ko lang, ilang buwan o taon na kayong magka-chat? Bakit hindi pa kayo nagkikita? Dahil ba masyado kayong busy? Kung  nandito lang naman kayo sa Pilipinas at wala naman sa malayong probinsiya, maaari namang gawan ng paraan na magkita kayo. Iyon nga lang, kailangan mong mag-ingat. Hindi naman kasi porke mabait siyang makipag usap sa’yo sa chat ay talagang mabuti siyang tao. Hindi ko man layunin na bigyan ng pagdududa ang iyong puso, gusto ko pa rin ipaalala sa’yo na kailangan mong mag-ingat. Malaking loko ang gumagala at ginagamit ang Internet o social media para makapanloko, Kaya, kailangan mong maging mapag-obserba sa mga profile niya.

Kung tunay talaga ang boyfriend mo, dapat nakikita mo ang mga pictures ng kanyang pmilya at mga kaibigan. Kung mukha lang niya ang nakikita mo tapos kaunti lang ang pictures niya, magduda ka sa kanya. Maaaring ‘yan ay manloloko lang. Kaya, sana ay maging talino ka. Huwag kang magpaisa dahil baka sa huli ay ikaw ang kawawa. Kung hindi mo pa alam, may mga sindikatong ginagawang tulay ang social media sites para makapagnakaw.

Ngayon kung matibay ang paniniwala mo na ‘di ka niya niloloko, papuntahin mo siya sa inyong tahanan. Tanging ‘yan lang ng paraan para masiguro mo na totoo nga siya. Huwag na huwag kayong magkikita sa isang pribadong lugar dahil kung masama siyang tao, madali ka niyang magawan ng masama.

Kung talaga naman kasing malinis ang intensyon niya sa’yo, nakasisiguro ako na hindi siya kukontra kung pupuntahan ka niya sa bahay at makikipagkilala siya sa’yong pamilya. Tiyak din na ikatutuwa pa niya iyon dhil may pagkakataon siyang mapalapit sa mga mahal mo sa buhay.

Ngayon kung milya-milya ang layo ninyo sa isa’t isa. ‘Yung nasa magkabilang panig kayo ng mundo kayo, tanungin mo ang sarili mo kung hanggang kailan kayo ganyan? Hindi naaari iyong makontento ka na lang na nakikita mo siya sa picture o sa video chat. Bilang lalaki na sabi nga niya ay minamahal ka, dapat mag effort siya ng husto para makilala siya ng iyong pamilya. Kapag nagawa niya iyon doon pa lang niya masasabi na talaga ngang boyfriend mo siya sa tunay na kahulugan noon. Gayunman, iba pa rin iyong kilalanin ninyo ng husto ang isa’t isa. Hindi dapat iyong makuntento ka lang dahil panay ang I love you niya at guwapo siya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here