Enhanced Community Quarantine, Paiiralin Sa Buong Luzon

Marso 15 2020, nang simulan ang community quarantine sa buong Metro Manila. Subalit tila hindi sapat ito upang mapigilan ang pagkalat ng covid-19. Patuloy ang paglaki ng bilang ng mga tinatamaan ng naturang sakit. Kabilang na si Senator Juan Miguel Zubiri na nagpositibo na rin. Hindi rin naging epektibo ang social distancing. Halimbawa sa transportasyon tulad ng jeepney na dapat hanggang apat lamang ang pasahero, hindi ito nasunod dahil marami sa ating mga kababayan ang nagnais na makasakay para makapunta sa trabaho at makauwi sa tahanan kaya hindi na nila alintana kung magsiksikan man sila sa loob ng jeep. Kahit nakiusap na ang Pangulong Duterte na manatili na lang sa loob ng bahay kung walang mahalagang dahilan ng paglabas ay marami pa rin ang lumalabas. Hindi pa yata nagsink in sa kanila ang panganib na dulot Covid-19. Kaya naman ang kasunod na solusyon ay ang pagpapairal ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Nilinaw ng pangulo na ito ay hindi martial law kundi isang safety measure na mahalagang maipatupad. Bilang mamamayan na responsable, marapat lamang na tayo ay sumunod sa anumang ipag-uutos ng mga nakatataas para na rin sa ikabubuti nating lahat. Hindi natin kailangan ngayon ang pagkakawatak watak sa halip ay ang pagkakaisa. Kung paiiralin natin ang pagiging makasarili ay baka pati sarili natin ay hindi natin mailigtas sa huli. Kaugnay ng enhanced community quarantine ay ang pagsuspende sa mga transportasyon at pagsasara ng mga malls at iba pang mataong lugar. Pero huwag daw masyadong magpanic dahil mananatili namang bukas ang mga supermarket at bangko.Sa pagpapatupad nito ay inaasahan na magkakaroon ng maayos na sistema ang gobyerno para hindi magutom ang mga tao. Marami rin daw na maitutulong ang pribadong sektor para mapagaan ang pinagdaraanan ng mga mamamayan. Ayon pa sa naging pahayag ni Pangulong Duterte ay sisiguruhin niya na mararamdaman ng mga mamamayan ang pagkalinga ng gobyerno. Nakiusap din ang ang pangulo sa mga NPA na huwag munang galawin ang mga sundalo at makipagtulungan muna.

Higit kailanman ay ngayon natin kailangan ang pagkakaisa, pagtutulungan at pagdarasal ng bawat isa para sa kaligtasan ng lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here