Bakit Mahalaga Ang Friendship Sa Isang Relasyon?

Kapag tayo ay pumasok sa isang relasyon at ito ay hindi naging matagumpay, ano kaya sa tingin nyo ang kulang? Marami ang nagsasabi na ang pinakamaganda at pinakamatibay na pundasyon ng pag-ibig ay ang pagkakaibigan. Kapag pumasok ka sa isang relasyon na hindi mo itinuturing na kaibigan ang iyong kapareha, ang inyong pagsasama ay madaling matitibag ng maliit na pagsubok. Madaling mawawasak ng konting problema. Madaling susuko sa mga paghamon. Ganyan ang mangyayari sa isang pagsasama na walang pagkakaibigang namamagitan.

Simple lang naman ang eksplanasyon tungkol dito. Sa isang tao na itinuturing mong kaibigan, lahat ay nakakaya mong sabihin. May mga sikreto kang ibinabahagi sa kanya na hindi mo kayang ibahagi sa ibang tao kahit pa sa mahal mo sa buhay. Ang kaibigan ang nahihingahan mo ng sama ng loob. Sa kanyang balikat ikaw ay sumasandal kapag gusto mong i-release ang stress sa iyong isip at i-relax ang iyong puso. Marami kang nakakayang gawin kasama ang iyong pinagkakatiwalaang kaibigan. Magaan mong nasasabi sa kanya ang lahat ng wala kang inaalalang takot. Alam mong maiintindihan ka niya. Kung ikaw man ay may pagkakamaling nagawa,uunawain ka niya pero itatama ka sa iyong pagkakamali. Pwede mo rin siyang makasama sa kalokohan pero sa huli ay doon kayo sa tama. Ganyan ang isang tunay na kaibigan.

Ngayon, kung ikaw ay papasok na sa isang relasyon at hindi mo ituturing na kaibigan ang tao na napili mong makasama habambuhay, magkakaroon ka ng pag-aalinlangan na magtapat sa kanya ng lahat ng bagay lalo na ang iyong sikreto. Kasi naroon ang pangamba na baka iwanan ka niya. Na baka hindi niya matanggap ang iyong lihim. Kung walang pagkakaibigan sa pagitan nyo, laging may doubt at what if. Kung ito ang iiral sa inyong relasyon, ang tiwalang mabubuo ay manipis. Pero kung pareho ninyong titingnan ang isa’t-isa bilang matalik na kaibigan, ang pag-ibig sa pagitan nyo ay mas higit na titibay dahil walang pag-aalinlangan na mamamagitan. Mas magiging komportable kayo sa isa’t-isa at mangingibabaw ang pagmamahal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here