Divorce, Solusyon Nga Ba Sa Problema Ng Mga Nakasal Pero Nasakal?

Sa kasalukuyan ay patuloy na isinusulong ang divorce sa Pilipinas. Mukhang konting kembot na lang ay tuluyan na itong maisasabatas. Pero ano nga ba ang idudulot ng bill na ito sa kasagraduhan ng pagpapakasal? Ito na nga ba ang pinakahihintay na solusyon ng mga taong nagpasyang makasal pero nasakal lang? Yung tipong sa halip na happily ever after ang maging pagsasama ay nauwi lamang sa isang malalang senaryo ng buhay.

Ang opinyon ng mga taong pabor sa pakikipagdiborsyo, isa itong magandang solusyon para ang pagpapakasal na hindi naging matagumpay ay magkaroon pa ng pagkakataon na maging malaya at magkaroon ng katahimikan. Kung walang divorce, maaari rin namang makalaya mula sa kasal sa pamamagitan ng annulment, pero limitado lamang ang may kakayahan na makipag-annul dahil ito ay nangangailangan ng malaking halaga at malaking preparasyon ng puso’t isipan. Hindi ito basta-basta. Kaya kung ikaw ay mahirap na nagkaroon ng kakayahang magpakasal pero walang kakayahang magpa-annul ay sorry ka na lang. Take it or leave it ay mananatili kang nakatali sa iyong asawa kahit ayaw mo na. Kahit na hindi ka na masaya at ganoon din siya. Magiging magulo lamang ang inyong pagsasama dahil wala na kayong pagmamahal sa isa’t-isa. At kung meron man na higit na maaapektuhan ay ang inyong anak dahil kahit buo kayo ay alam nyo sa sarili nyo na matagal na kayong wasak at malinaw iyong makikita at mararamdaman ng inyong mga anak.

Para naman sa mga hindi pabor sa divorce, ang bill na ito ay hindi masasabing solusyon kung ito ang maglalagay ng tuldok sa isang pagsasama na pwede pa naman sanang maayos. Kaya nga may kasabihan ang matatanda na ang pagpapakasal ay hindi tulad ng isang mainit na kanin na iyong isusubo at kapag ikaw ay napaso maaari mo na itong iluwa agad. Dapat ang pagpapakasal ay pinag-iisipang mabuti. Kailangan mong masiguro sa iyong sarili na ang tao na iyong papakasalan ay mamahalin mo mula ulo hanggang paa. Tatanggapin mo ang kanyang kalakasan at kahinaan.Yayakapin mo ang mga karanasan na pagdaraanan nyo ito man ay mahirap, madali, masaya o malungkot. Isasaalang-alang nyo lagi ang inyong pamilya sa bawat pagpapasya dahil sa oras na kayo ay makasal na, kayo ay iisa na lang. Ang bawat desisyon na gagawin nyo sa buhay ay kailangan na palaging magkatugma. O kung magkasalungat man ay dapat magkaroon ng pagbibigayan.

Maaaring nga sigurong maging solusyon para sa iba ang divorce subalit sa mga taong loyal at may malalim na pag-unawa sa kasagraduhan ng kasal, ito ay isang kalapastanganan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here