Mga Dahilan Ng Sumasabit sa Relasyon

Mistress, kabit, sabit, third party, kalaguyo, mang-aagaw. Ilan lamang ang mga ‘yan sa masasakit na salitang ikinakabit sa isang tao na sumabit sa isang relasyon. Sino ba ang matutuwa sa kanila? Palagay ko’y wala. Lahat ay naiinis, nagagalit  at nasusuklam sa mga taong naninira ng isang mabuting pagsasama. Lalo na ng isang pamilya.Pero bakit nga ba may mga tulad nila? Masaya ba sila sa pagiging paningit lang sa isang relasyon o meron silang dahilan na kanilang pinanghahawakan.

1.Pera

May mga tao na naaakit pumasok sa isang relasyon kahit ito’y bawal sa ngalan ng pera. Lalo na sa panahon ngayon na napakahirap kitain ng bawat sentimo. Kailangan ng ibayong pagsisikap, pagtitiyaga at pagsisipag kung nais mo na magkaroon ng pera na sasapat sa iyong mga pangangailangan. Pero kung ang isang lalaki o babae ay tamad at nakakita ng taong magagatasan, gagawin niya ang lahat para maging hayahay ang buhay kahit pa ito ay nangangahulugan ng pagkasira ng isang pagsasama.

2.Kawalan ng alam

Kawalan ng alam o mas masakit lang sa pandinig pero pwede ring tawaging isang katangahan.May mga tao na kapag nakadama ng pagmamahal ay iyon na. Hindi na inaalam ang background ng taong napili nilang mahalin. Ang puso nila ay nakatuon lang sa kung ano ang nasa kanilang harapan. Kaya dumarating ang araw na kapag nabunyag ang isang lihim na ang taong minahal nila ay meron na palang sabit, saka lang nila mapapagtanto na mali ang relasyon na pinasok nila at nahihirapan na silang lumabas dito.

3.Pag-ibig

Kung minsan naman, may tao na kahit alam na niyang pag-aari na ng iba ang tao na napili niyang mahalin ay wala siyang pakialam. Mas importante sa kanya ang kanyang nararamdaman kaysa sa damdamin ng iba. Wala siyang pakialam kung sino ang kanyang masasaktan dahil siya ay bulag sa pag-ibig na pinaniniwalaan niya. Makasarili man sa paningin ng iba ay susundin pa rin niya ang ibinubulong ng kanyang puso kahit pa alam niyang ito ay maling pagmamahal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here