Architech na nangibang bansa para kumita ng malaki

Mga ka-tsismosa, kailangan mong isaksak sa isipan mo ang katotohanan na ito para naman hindi ka matulad sa bida sa artikulo natin ngayon. Siya ay isa kong kapit-bahay at hindi ko maiwasan ang makaramdam ng awa sa kanya. Siya kasi ay isinilang ng mayaman. Iyong tipong may gintong kutsara sa bibig. Palibhasa, mayaman ang kanyang angkan. Tapos ang mga magulang pa niya ay kapwa propesor sa isang unibersidad.

Kaya naman itong si Olan ay sunod sa luho. Lahat ng gusto niya ay nakukuha niya kaya naman lumaking may kayabangan. Inakala rin niya na porke mayaman ang kanyang magulang ay hindi na matatapos ang pagiging senyorito niya pero dumating ang araw na kinailangan ng parents niya na huminto sa pagtuturo. Siyempre naman, napagtapos na silang magkakapatid ng pag-aaral.

So, anong nangyari? Hindi sanay na inuutusan itong si Olan kaya naman hindi siya nag-apply ng trabaho. Mas gusto niyang mag-business. Naniniwala kasi siya na doon ang kanyang tagumpay pero hindi nangyari ang kanyang inaasam dahil nga kulang siya sa tiyaga kaya naman lahat ng negosyo na pinasukan niya ay nalugi.

Gayunpaman, hindi pa rin siya sumuko. Mapalad lamang siya at may mga magulang na tumutulong sa kanya ngunit isang araw ay kinailangan na rin niyang mag-asawa. Bagamat wala pa siyang maipagmamalaking trabaho ay nagawa naman niyang maging Architech kaya alam niyang iyon na ang paraan para maabot niya ang kanyang gusto.

Ngunit, sa pagsasama nilang mag-asawa ay napagtanto niyang hindi pala ganoon kadali ang lahat. Kailangan din siyempreng may regular kang pagkukunan ng iyong pera para hindi ka magutom kaya nagpasya si Olan na mangibang bansa para makipagsapalaran. Gustuhin man niyang manatili sa Pilipinas, hindi niya gusto ang sahod dito. Para kasing hindi niya makakayang sumasahod lamang ng sampung libo kada kinsenas.

Iyon nga lang, hindi naging madali sa kanya ang mangibang bansa. Palibhasa nga ay senyorito ang peg niya. Gayunpaman, para sa kanyang pinakamamahal na asawa ay ginawa niya ang lahat para siya ay magtagumpay. Kaya lang may pagkakataon na inaatake ng depresyon si Olan. Hindi kasi siya sanay na mangibang bansa. Kaya naman kapag nasisigawan siya ng kanyang employer ay ibig niyang magwala. Tumanda kasi siyang hindi sanay na nilalait ang kanyang pagkatao. Ngunit, may magagawa ba siya, wala.

Sabi ni Olan sa kanyang sarili, panahon na para kumilos siya at nang maitaguyod niya ang kanyang pamilya. Ngunit, napakahirap palang panindigan ang kanyang sitwasyon kung wala siyang kasamang pamilya. Kaya naman, tinapos lang niya ang kanyang kontrata. Pakiramdam kasi niya na kung tatagal pa siya sa Saudi, mapipigtal na ang kanyang katinuan. Siyempre, hindi niya gustong mangyari iyon kaya naman pinili na lang niyang makipagsapalaran muli sa Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here