Epekto ng Napaglilihian

Kapag ang babae ay nagbubuntis ay may mga bagay, pagkain o tao siyang gustung-gustong nakikita o natitikman. Kung hindi kasi siya mapagbibigyan ay maaapektuhan nito ang kanyang magiging anak. Ang sabi nga, may tendensiya na ang kanyang anak ay palaging maglalaway kaya makabubuti talaga kung makakain niya talaga ang mga pagkain na kanyang pinaglilihian.

Kung ikaw ay isang tindero at may lumapit sa’yong buntis tapos sinabi niya na pinaglilihian niya ang tinitinda mo, mas makabubuti kung bibigyan mo siya ng dagdag para ma-satisfied siya sa kanyang kinain. Kung hindi kasi niya mabubusog o mawawala ang pangangasim niya, maiisip lamang niya ang tinitinda mo at hindi iyon makabubuti. Pupuwede kasing sasama ang lasa ng iyong itinitinda.

Kung may kapit bahay ka naman na naglilihi at sinasabi niya na naglilihi siya sa mangga, buko o anumang prutas na nasa loob ng bakuran mo, bigyan mo siya. Huwag na huwag kang tatanggi na bigyan siya ng gusto niyang prutas dahil nakasisiguro ako magsisisi ka lang. Malaki kasi ang posibilidad na malanta ang puno na pinagdadamot mo kaya hindi mo rin iyan mapapakinabangan. Samantala, kung magiging mapagbigay ka, makapagpapasaya ka na, mamumunga pa ng husto ang puno nanapaglihian.

Kaya, kung tao naman ang napaglilihian ng nagdadalang tao, makakaramdam siya ng bigat sa pakiramdam. Para siyang laging inaantok at hindi rin niya mapipigilan ang magsuka. Kaya, maigi kung siya ay malalawayan ng naglilihi para hindi na sumama ang kanyang pakiramdam. Karaniwan, ang laway ng naglilihi ay ididila sa kanyang daliri at ipapahid sa tiyan o noo ng kanyang pinaglilihian.

Ay naku, kung mahirap ang magdalang-tao, mahirap din kapag ikaw ay napaglihian. Sigurado kasing iiba rin ang timpla ng iyong katawan. May tendesiya tuloy na ang napaglilihihan ay mangayayat ng husto.

O, napaglilihan ka ba o baka naman ikaw ay naglilihi?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here