Ang Pagkakaiba ng Soul Mate sa Life Partner

Meron ka na bang life partner? Natagpuan mo na rin ba ang iyong soulmate? Kung meron ka ng partner in life, sa tingin mo ba ay siya na rin ang iyong soulmate? Maaaring oo, pero pwede rin namang hindi. Marami ang nagkakamali na ang soulmate mo ay ang iyong life partner, husband, wife, boyfriend, girlfriend, or anuman ang tawag mo sa iyong karelasyon. Ano nga ba ang soul mate? Ito ay ang tao na meron kang pinakamalalim na koneksyon. Yung hindi man kayo magsalita ay naiintindihan nyo at nauunawaan ng lubos ang isa’t-isa. Yung tinginan nyo pa lang sa mata ay alam nyo na ang ibig sabihin. Habang ang life partner naman ay siya yung tao na pinili mong makasama sa buhay. kasama mo sa hirap at ginhawa. Kasama mo sa anumang nais mong gawin sa buhay. Kung iisipin ay halos magkapareho lang ang ginagampanan nila sa buhay natin, kaya ano nga ba ang pagkakaiba nilang dalawa?

Maigsing panahon laban sa mahabang panahon. Ang soulmate, siya yun darating sa buhay mo na kahit tumagal lamang siya ng maigsing panahon ay magagawa niyang iangat ka o iparamdam sa’yo na hindi ka nag-iisa. Yung magagawa niyang ilabas ang mga natatago at natatangi mong kakayahan sa loob lamang ng maigsing panahon. Habang ang life partner mo naman ay yung tao na handang manatili sa tabi mo at may mas mahaba at matagal na proseso ng pagpupush sa mga pangarap mo. Siya yung tao na masasandalan mo sa mga panahon na kailangan mo.

Mga sandaling alaala laban sa mahabang karanasan. Ang soul mate ay maaari mong makasama sa mga mahahalagang sandali ng iyong buhay. Yung mga sandali na tatatak sa iyong puso’t isipan. Tulad halimbawa ng pamamasyal sa isang historical place o panonood ng isang movie na hindi mo makakalimutan. Habang ang iyong life partner ay maaari mo namang makasama sa lahat ng okasyon ng iyong buhay tulad ng birthday, Christmas, Valentines at kung anu-ano pa.

Natural na atraksyon laban sa natututunang pagmamahal. Ang soulmate, sa unang pagkikita nyo pa lang ay nandoon na agad ang chemistry. May atraksyon agad sa isa’t-isa na hindi kailangan pwersahin na magustuhan ang isa’t-isa. Magaan agad ang loob mo sa kanya kahit hindi mo pa siya masyadong kilala. Nandoon agad ang koneksyon at nagagawa nyo agad ang mga malalim na pag-uusap. Habang ang life partner naman kung minsan ay hindi natin nalalaman agad ang koneksyon natin sa kanila. Siya yung tao na kailangan muna mag-invest ng atensyon at pagmamahal bago mo makapalagayang loob at bago ka maging komportable. Kalimitan na ang relasyon mo sa iyong life partner ay nagtatagal dahil sa haba at tibay ng pundasyon na nabuo ninyong dalawa para sa isa’t-isa.

Kung matatagpuan mo ang iyong soul mate sa katauhan ng iyong life partner ay napakasuwerte mo ng tao. Subalit kung ang soul mate mo ay hindi ang iyong kapareha, maniwala ka, dahil posible talaga itong mangyari. Posible din na ang soul mate mo ay nasa katauhan ng isang malapit mong kaibigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here