Katarungang Pangkabataan: Ang Buhay Sa Likod Ng Mga Rehas?

Ang pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose P. Rizal ay nagsabi na ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan. Gayunman, anu’ng kinabukasan ang mayroon para sa mga kabataang ito kung maaari silang arestuhin at ikulong kagaya ng mga nakakatandang kriminal kahit na ang mga kaso nila ay hindi mabigat o sergoyo gaya ng pagnanakaw, paggamit ng rugby o solvent, bagansya at paglabag sa kurpyo?

Mula noong 1995, mahigit sa limampung libong (50,000) kabataan ang naaresto at nakulong sa Pilinas. Ayon sa UNICEF, halos 28 na mga bata ang naaresto kada araw o mahigit sa isang bata kada oras. Pero ang mas nakakabahala sa sitwasyong ito ay ang katotohanan na ang mga menor de edad na ito ay madalas nakukulong sa loob ng bilangguan na kasama ang mga matatandang preso.

Kaya, naisasapatupad nga ba talaga ang Batas para sa Katarungang Pangkabataan (Juvenile Justice Law) dito sa Pilipinas? Paano nating himukin ang ating mga mambabatas para unahin ang mga batang ito na nasa kulungan?

Katarungang Pangkabataan

Noong Nobyembre taong 2016, ang batas para Katarungang Pangkabataan ay naging isang mainit na paksa para sa mga debate nang ang Kongreso ng Pilipinas ay nagpanukala ng isang hakbang na magpapababa ng edad ng bata na maaring mapanagot sa krimen sa siyam (9) na taong gulang mula sa labing-lima (15) na ang siyang edad na naitalaga sa kasalukuyang Juvenile Justice and Welfare Act, na kilala din na R.A. 9344.

Noong nanumpa si Pangulong Rodrigo Duterte na huhulihin at paparusahan ang mga kriminal para sa kanyang kampanya kontra droga, nabanggit niya rin na maraming kabataan ang nasasangkot sa mga krimen na may kaugnayan dito. Kahit na maari isa ito sa mga nakakalungkot na katotohanan, ang “giyera kontra droga” ni Duterte ay nauugnay sa maraming kontrobersiya, lalo na nang ang mga kaalyado niya sa Kongreso ay nagpanukala ng isang batas na magbibigay-daan sa pag-usig at pagkakulong sa mga kabataang may edad na siyam (9) na taon lamang.

Ayon sa ulat ng direktor ng Human Rights Watch Children Division na si Julianne Kippenberg, ang bagong pinapanukalang batas ay isang “direktang pag-atake” sa karapatan ng mga kabataan, dagdag pa nito na mas tinutulak pababa ng gobyerno ng Pilipinas ang pandaigdigang pamantayan sa edad ng mga kabataan na pwedeng magkaroon ng pananagutang kriminal, na sa ngayon ay labindalawa (12).

Binigyan-diin din ni Kippenberg na sa ilalim ng United Nations Convention on Rights of the Child, ang “pag-aresto, pag-deteni at pagkulong ng mga bata ay dapat gamitin lamang bilang huling paraan.” Idiniin din ng treaty sa karapatang pantao ang kahalagahan ng rehabilitasyon, na dapat ay binibigay sa ano mang oras.

Ang kontrobersyal na panukala ay nabigo din na protektahan ang karapatan ng mga kabataang Pilipino dahil ang mga detalye nito ay nanatiling Malabo lalo na sa bahagi na kung anu ang naghihintay sa mga batang lumabag sa batas pagkatapos na sila ay makasuhan, mahatulan at mailagay sa kulungan. May karapatan ba silang magkaroon ng tagapagtanggol na abogado o isang legal na pangkat?  Naayon (sa edad) at makatao ba ang magiging pagtrato sa kanila? Mapoprotektahan ba sila laban sa karahasan at pangaabuso?

Sa ilalim ng Convention on the Rights of the Child, ang mga bata na may paglabag sa batas, naaresto, nahuli o nakakulong ay dapat maprotektahan, ayon sa kanilang mga karapatan. Sa kasamaang-palad, maraming mga bansa sa buong mundo ang patuloy sa pag-usig at paghatol sa mga bata ng dahil sa mga gawain na kung tutuusin ay hindi naman matatawag na krimen kagaya ng masamang asal at paglalakwatsa.

Katulad ng bagong minumungkahing hakbang para sa Karapatang Pangkabataan sa Pilipinas, may ilang bansa din na binabaan ang edad na maaring magkaroon ng kriminal na pananagutan, mas mababa kaysa sa pandaigdigang batayan na edad na labindalawang (12) taong gulang. Isa pang kalunos-lunos na sitwasyon ay ang katotohanan na may ilang bansang hayagan na lumalabag sa pandaigdigang batas sa pamamagitan ng pagpayag na mahatulan ang mga kabataan ng mararahas na sentensiya kagaya ng pagpaparusang pisikal, panghabang-buhay na pagkakulong o di kaya ay kamatayan. [Source: https://www.hrw.org/topic/childrens-rights/juvenile-justice]

Ang Nakakabahalang Katarungang Pangkabataan ng Pilipinas

Dahil sa hindi makatarungang hakbang na sinusuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang United Nations at iba pang mga grupo ay nagpahayag ng pagkabahala sa nasabing paksa. Ngunit ayon sa paliwanang ng kasalukuyang Lider ng Kongreso at pangunahing tagataguyod ng iminumungkahing hakbang na si Pantaleon Alvarez, ang mga nakatatandang kriminal ay “sadya at kusang ginagamit ang mga kabataan na nasa edad labinlima (15) taon pababa para sa pagsagawa ng krimen, kagaya ng pagtutulak ng droga.”

Kahit na iminumungkahi ni Pangulong Duterte na pababain ang edad sa labindalawa (12), ang mga kaalyado niya ay pinababa pa ito sa siyam (9). Kaya, ang pagkilos na ito ang nagtulak sa United Nations na paaalahanan ang gobyerno ng Pilipinas sa kanilang internasyonal na tungkulin at responsibilidad bilang isang estadong partido ng UN Convention on the Rights of the Child.

“Ang kulungan ay hindi lugar para sa isang bata.” sabi ng UNICEF sa isang ulat ng Agence France-Presse (via ABS-CBN News). “Nakakabahala para sa kabataan ang makulong sa mga piitan. Ito ay magiging urong sa gobyerno ng Pilipinas.”

#ChildrenNotCriminals

Dahil sa nakakabahalang hakbang sa Katarungang Pangkabataan, ang mga grupo na nagsusulong para sa karapatan ay humihimok sa mga Pilipinong mambabatas upang muling isaalang-alang ang kanilang suporta sa panukalang batas sa pamamagitan ng paglunsad ng inisyatibo na #ChildrenNotCriminals. Ayon sa iba’t-ibang mga organisasyon, ang mga bata na nakagawa ng mga paglabag ay siyang palaging nagiging biktima ng mga nakatatandang kriminal at mga gang.

Dahil diyan, si Ernesto Almocera ng Plan International Philippines ay nagsabi na magiging “di-makatarungan” ang madalas na pagbubuntol ng sisi sa mga kabataan, na nagiging mga “matitigas na kriminal” nang dahil sa mga naturang akusasyon. Dagdag pa ni Melanie Llana ng Philippined Action for Youth Offenders, ang mga bata ay hindi dapat tratuhin kagaya ng mga matatandang may-sala. Sa halip, nagmungkahi ang mga tagataguyod ng karapatang pantao na ang gobyerno ay dapat tumutok sa mga sanhi ng pagkakasala ng mga bata — kagaya ng kakulangan ng edukasyon or mababang pinag-aralan, pagpapabaya, kawalan ng patnubay ng magulang, pamumuhay sa mga lugar na mayroong mataas na insedente ng krimen, pagsasamantala ng mga sindikato at kahirapan.

Mas Pinababang Edad sa Kriminal na Pananagutan: Kawalan ng Pag-asa sa Kabataang Pinoy

Sa loob ng ilang buwan, ang bagong minumungkahing hakbang ay naging sentro ng mga debate, sa Kongreso man o sa mga ulat ng lokal at internasyonal na medya. Maaring narinig na natin ang mga panig ng mga nakatatanda habang tinitimbang nila ang kanilang mga saloobin tungkol sa isyu pero anu kaya ang saloobin ng mga tagapagtaguyod ng mga kabataan ukol sa batas na naglalayong pababain ang edad sa kriminal na pananagutan?

Habang tumitindi ang “giyera kontra droga” ni Duterte, ilang mambabatas ang nahuhumaling sa Katarungang Pangkabataan. Habang maraming kabataan ang napapaulat na gumagawa ng krimen, isang datos mula sa Pambansang Pulisya ng Pilinas (Philippine National Police/PNP) ay nagsiwalat na ang bahagi ng mga kabataan na lumabag sa batas ay bumubuo lamang ng 1.72 na porsyento sa kabuuang mga iniulat na krimen sa buong bansa, na kung saan karamihan dito ay pagnanakaw, pinsalang pisikal, at mga paglabag sa ordinansa ng mga bayan at lungsod.

 [Source:https://twitter.com/VeritasDfendere/status/865942206527315968; https://twitter.com/VeritasDfendere/status/865940514654179328; https://twitter.com/VeritasDfendere/status/865939105913356291]

Ang iminumungkahing hakbang ay isa ding malaking kaibhan sa paniniwala ng mga mamabatas na ito ay magpoprotekta sa kabataan, sa halip, ito ay “laban sa mahihirap” dahil marami sa kanila ay walang kakahayang kumuha ng serbisyo ng isang abogado. Kaya hindi na nakakagulat na marinig na isang 16-taong-gulang na batang babae mula sa Ifugao na nagngangalang Ghene ay tumutol sa mungkahi ng Kongreso, sabi niya “wawakasan nito ang pag-asa ng kabataang Pilipino.” Binigyan-diin din niya na ang nasabing panukala ay magiging isang malaking kabiguan para sa administrasyong Duterte.

“Ako ay nagsasalita para sa lahat ng batang babae at lahat ng kabataan dito sa Pilipinas,” sabi ni Ghene sa isang pagtitipon sa opisina ng European Union sa Makati noong Abril, ayon sa ulat ng Inquirer. “Ang pagpababa ng minimum na edad para sa kriminal na panangutan, kung maipapasa, ay magiging isa sa mga malalaking pagkakamali ng gobyerno ng Pilipinas.”

Giit pa ni Ghene, ang mga bata ay hindi dapat pinaparusahan. Sa halip, ang mga awtoridad ay siyang dapat tumulong at mag-alaga sa kanila. Dagdag pa niya, ang maga batang ito ay nangangailangan ng karagdagang gabay at dapat ay bibigyan ng pagkakataon upang mapabuti ang kanilang mga buhay sa halip na hayaan silang mabulok sa kulungan.

Sumang-ayon din kay Ghene ang Dutch Ambassador na si Marion Derckx na ang pagpapababa ng edad para sa kriminal na pananagutan  ay isang malaking pagkakamali. Sabi ni Derckx, ang mga batang may edad walo (8) at siyam (9) ay hindi dapat panagutin para sa gawaing kriminal at masyado pa silang bata para arestuhin.

Gutom at Kapabayaan: Isang Nakapanlulumong Katotohanan sa Likod ng Rehas

Ang katarungang pangkabataan sa Pilipinas ay matagal ng isyu na ikinababahala ng lokal at internasyonal na mga grupo para sa karapatang pantao. Ngunit ang totoong nakakabahala dito ay ang uri ng kapaligiran o ang kondisyon ng pamumuhay na hinaharap ng mga batang ito.

Ayon kay Fr. Shay Cullen ng The Manila Times, ang mga batang nakapiit sa Bahay Pag-asa sa Metro Manila na may edad pito (7) hanggang labinpitong (17) taong gulang ay nakakaranas ng gutom at pagpapabaya. Isiniwalat din ni Cullen na ang lokal na gobyerno ang siyang may responsibilidad sa pamamahala ng piitan para sa mga bata, gayunman, ang mga batang itong ay tinatrato bilang mga kriminal.

Ang nakalulungkot ay ang katotohanan na ang gutom na dinaranas ng batang ito ay hindi lamang gutom sa pagkain, nananabik din sila sa pagkilala, respeto, dignidad at kalayaan. Ang mga batang ito ay “malnourished,” maliliit, mahina ang pag-iisip at hindi matatag ang damdamin, pero tao parin sila na nangangailan ng pagmamahal, pag-aaruga at proteksyon.

Dapat nasa paaralan din sila para magkapag-aral, sa halip, naiiwan silang natutulog sa malalamig na konkretong sahig – na di naaarawan, may limitadong pagkain at nag-iisa. Biktima din sila ng pang-aabuso at pananakot na siyang labis na nakakaapekto sa kanilang pag-iisip at damdamin. Nanakawan din sila ng kamusmusan, na siyang naging dahilan para isipin nila na sila mismo ay mga totoong kriminal.

Habang sila’y tumatanda sa gitna ng malagim na kalagayan, ang mga kabataang ito lumalaki na puno ng puot tungo sa lipunan. Tinukoy din ni Fr. Cullen na dahil sa kawalan ng edukasyon, ang pangarap para sa magandang buhay ng mga nakapiit na batang ito ay nananatiling malupit, na siyang naging dahilan para mamuhay sila sa uri ng pamumuhay na angkop sa mga nanglilimos at kumakalkal ng basura.

Ang buhay ng mga kabataang nasa likod ng rehas sa Bahay Pag-asa ay nagpipinta din ng isang mapanglaw na imahe para sa kanilang kinabukasan kung sakaling maipasa ng Kongreso ang minumungkahing hakbang para babaan ang edad para sa kriminal na pananagutan. Nang dahil sa pagkilos na ito, ang mga inosenteng bata ay kikilalahing mga ganap na kriminal.

“Gustong sisihin ng awtoridad ang mga inosenteng bata para sa mga krimen ng mga matatanda,” sulat ni Fr. Cullen sa kanyang artikulo. “Hindi kailangan ng ebidensiya. Ang mga pulis ang siyang laging nasasangkot sa mga krimen kaya sinisisi at hinuhuli nila ang mga bata. Sasabihin nila na nalutas na nila ang krimen at kung minsan ay makakakuha pa sila ng promosyon.”

Kaya, meron pa bang pag-asa para sa mga nagkasalang kabataan na naninirahan sa mga bahay na pinapatakbo ng gobyerno gaya ng Bahay Pag-asa? Uupo at manonood na lamang ba tayo habang ang mga mayayaman, korap at walang pagpapahalagang mga mambabatas na ito ay nilalagay ang mga bata sa kulungan para dumanas ng gutom at pang-aabuso?

Bilang pinakamalaking Kristiyanong bansa sa Asya at pang-apat (4th) sa buong mundo, ang kasalukuyang mga isyu sa katarungang pangkabataan ay tila nagpapakita na maraming mga Pilipino ang nabigong isaisip, isabuhay, isagawa at isapuso  ang mga turo at salita ng Dyos. Sa simbahan lang ba makikita ang katarungan at pakikiramay? Hinihikayat ni Fr. Cullen ang sambayanang Pilipino na sama-samang kumilos para palayain ang mga bata mula sa piitan ng kawalan ng pag-asa at bigyan sila ng pagkakataon para makapamuhay ng bago at magkaroon ng mas magandang buhay.

Sino ang Dapat Sisihin — ang Kabataan, mga Magulang o ang Lipunan?

Ang isang bilangguan ay talagang hindi isang lugar para sa mga bata pero paano kung yung mga bata ay nakagawa ng mga seryoso at karumal-dumal na krimen – karapat-dapat ba sila sa mga kulungan? Karamihan sa mga batang sangkot sa krimen ay mga biktima ng mga sindikato na naglalakas-loob na gamitin ang mga bata para sa kanilang mga maling gawain. Ang dahilan? Base sa RA 9344, ang mga batang may edad labinlimang (15) taon pababa ay hindi maaring makulong, sa halip, sila ay ibinibigay sa DSWD (Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad) para sa pagpapayo at rehabilitasyon.

Sa kasamaang-palad, karamihan sa mga batang ito ay tumatakas sa mga bahay pambata na pinapatakbo ng gobyerno at bumabalik sa kanilang mga nakasanayang gawaing kriminal gaya ng hayagang pagnanakaw. Dahil sila ay protektado ng RA 9344, ilang mga sindikato at mismo ang ibang kabataan, ay sinasamantala ang naturang batas para sa kanilang proteksyon. Kaya, sino nga ba ang dapat sisihin — ang mga bata, ang mga magulang o ang lipunan?

Kung iisipin natin, hindi maari na ang mga bata lang ang sisihin dahil ang mga magulang na ay marahil nabigong gampanan ang mga responsibilidad and obligasyon nila bilang tagapangalaga. Gayunman, paano natin masisisi ang mga magulang kung sila din mismong lugmok sa kahirapan at hindi nabibigyan ng pagkakataong magbigay ng mas magandang buhay para sa kanilang mga anak?

Kaya, dapat ba nating sisihin ang lipunan para dito? Oo at hindi. Dahil sa estigma at hindi matwid na opinyon na namamagitan sa mga mahihirap at mga mamayaman, ang lipunan ay maaring bahagyang masisisi. Pero hindi nga ba ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa ating mga kamay mismo? Ang bawat isa ay responsable para sa ating sariling kapalaran pero hindi din natin maitanggi ang katotohanan na tayo ay pwedeng maging salik para tulungan ang ibang tao na magkaroon ng mas magandang buhay. Sa katotohanan, ang buhay ay malayo sa isang malapantasyang kwento. Maari itong maging marahas at hindi makatarungan pero sa tulong ng komprehensibo at maayos na sistema para sa implementasyon ng katarungang pangkabataan sa Pilipinas, maari itong maging daan para maprotektahan ang ating mga kabataan, hindi lamang laban sa kriminalidad pero pati na rin sa kahirapan at kawalang pag-asa.

“Enhanced” Juvenile Justice and Welfare Act

Kasunod ng mga negatibong reaksiyon tungkol sa iminumungkahing pag amyenda sa RA 9344 o ang Juvenile Justice and Weldare Act ng 2006 na naglalayong pababain sa siyam (9) na taong gulang ang pinakamababang edad para sa pananagutang kriminal, ang pinuno ng Komite ng Katarungan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagsiwalat na ang planong batas na tinataguyod ni Cong. Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte at Cong. Frednil Castro ng Capiz ay maaring hindi makakuha ng pagsang-ayon. Sa halip, ang nasabing batas ay “paghuhusayin” habang ang komite ay sumusuri pa ng ibang pagpipilian.

“Masyado pang maaga at hindi ko gustong pangunahan kung anuman ang maaring sabihin ng komite, ako ay nasabihan na ng aking (kalihim ng komite) at mayroong maraming paraan na pinagpipilian,” sabi ng pinuno ng Komite at Kinatawan ng Oriental Mindoro na si Cong. Reynaldo Umali sa kanyang pagharap sa mga kinatawan ng medya, ayon sa ulat ng Inquirer. Mayroong posibilidad na ang minimum na edad ay hindi maaring pababain sa siyam (9), pero pinahalagahan niya na hindi niya gustong pigilan ang anumang desisyon ng komite, dagdag pa ni Umali.

Napaulat din na ang mga sub-komite sa correctional reforms ay magkakaroon din ng isang pagpupulong sa Martes para talakayin ang pag-aproba sa batas na kilala bilang House Bill No.2 (Pagkatapos ng Death Penalty Bill) na naglalayong pababain ang edad sa pananagutang kriminal.  Ang mga tagapagtaguyod ng karapatang pambata ay sasali din sa naturang pagpupulong.

Si Pangulong Duterte at ang kangyang mga kaalyado ay pinapahalagahan ang pagpababa ng edad para sa pagkakaroon ng pananagutang kriminal mula kinse (15) pababa sa siyam(9). Sa kasamaang-palad, ang panukala ay nabigong makakuha ng suporta ng ibang ahensya ng gobyerno na may katungkulan para sa kapakanan ng mga kabataan tulad ng Kagawaran ng Kalusugan(DOH), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at kasama narin ang Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD) ang Konseho ng Kapakanan at Katarungang Pangkabataan (JJWC/Juvenile Justice and Welfare Council), ulat ng The Manila Times.

Umani din ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga mambabatas ang pagbabago ng desisyon ng Komite ng Katarungan ukol sa pagpapakulong ng mga kabataang mayroong paglabag sa batas. Ayon sa kinatawan ng party-list na Akbayan na si Cong. Tom VIllarin, ito ay magiging isang “Tagumpay para sa Katwiran” kung ang komite ng Hustisya ay sasang-ayon sa mungkahi ng mga tagataguyod ng karapatan ng kabataan na naghihikayat sa Kongreso na ibaling ang pokus nito sa pagbibigay ng sapat na pondo para sa makatarungang pagsasagawa ng batas para sa Katarungang Pangkabataan at “gumawa ng isang komprehensibong intervention packange” na kinakailangan ng batas at hindi sa paghuhumaling na babaan ang edad para sa pananagutang kriminal.

Sa kabilang dako, ito ay magiging isang “cause for jubilation” kung ang komite ay papahalagahan ang  repormasyon (pagsasagawa ng makabuluhang gawain) sa Sistema ng Hustisya sa Pilipinas, sa halip ng paghihiganti, sabi ng kinatawan ng parti-list na Ako Bicol na si Cong. Rodel Batocabe. Sumang-ayon din dito si Cong. Teddy Baguilat ng Ifugao sa kanilang mga saloobin na sa simula pa lamang ay nakakuha na nasabing panukala ng maliit na suporta. Binigyan-diin din ni Baguilat na ang suporta ng mga mambabatas sa Parusang Kamatayan ay sapat na upang ipakita ang pagtulong at pagsuporta nila sa administrasyong Duterte.

Samantala, mahigit 50 porsyento ng mga maling gawain na nagawa ng mga menor de edad ay hindi maituturi na mga seryosong paglabag. Sa kabila ng katotohanang ito, maraming mga kaso ang hindi nasusuri agad o nababasura ng mga hukuman dahil sa mga pakikipag-ayos sa labas ng korte o sa kadahilanan na ang mga saksi ay nabigong magpakita sa mga pagdinig ng naturang mga kaso.

Ang resulta? Sabihin na nating maraming mga bata ang naiiwang makaranas ng pagkakulong sa hindi maayos na kondisyon ng ilang mga taon hanggang sa maresolba ang kanilang mga kaso. Dahil sa mga pangyayaring ito, ang UN Committee on the Rights of the Child ay nagpahiwatig ng kanilang pagkabahala sa kung paano ipatupad at pamahalaan ng gobyerno ng Pilipinas ang katarungang pangkabataan, hindi pa nabanggit dito ang pagkakaiba ng “kasalukuyang sistema ng hustisya sa prinsipyo at probisyon ng Convention at iba pang pandaigdigang pamantayan patungkol sa katarungang pangkabataan.”

Nang dahil dito, ang komite ay nagrekomenda ng isang komprehensibong reporma pagdating sa pamamahala ng katarungang pangkabataan dito sa Pilipinas. Hinihikayat din nila ang gobyerno na “gumawa, pondohan at magpanatili” ng isang intensibong interbensyon, rehabilitasyon at integrasyon na programa na nakabase sa mga pamayanan para sa mga batang nakagawa ng krimen.

Dapat pahalagahan din ng pamahalaan ang karapatan ng mga kabataan para sa edukasyon. Malay natin, ito ay maaring maging epektibong paraan para mailigtas ang mga kabataan mula sa buhay na nakakulong sa krimen, karahasan at kahirapan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here