Dear Maria: Sobrang seloso ang foreigner na boyfriend

Tunghayan natin ang problema ni  Nylaren Zalso Guezmindo 

Dear Maria,

Ano po ang gagawin ko para hindi na maging sobrang seloso ang foreigner kong boyfriend? — Nylaren Zalso Guezmindo 

Nylaren Zalso Guezmindo ,

Kung ayaw mo na magselos ang boyfriend mo, siguro, hindi ka niya dapat makitang may kasama o may kausap na ibang lalaki dahil siguradong ikagagalit niya iyon. Naku po, kung ang ibang babae ay ikinakikilig pa na ang karelasyon nila ay nagseselos dahil ito ay nagpatunay kung gaano sila minamahal ng kanilang karelasyon, nakakatiyak akong hindi ganoon ang nararamdaman mo at ito ay dahil sa katagang ‘sobra’ .

Alam naman natin na lahat ng sobra ay masama dahil maaari itong makapagbigay ng negatibong emosyon sa ating puso at natitiyak kong nakakaramdam ka ng takot o kaya’y matinding takot. Kapag kasi nagseselos ang isang tao, may mga bagay siyang nagagawa o kaya ay nasasabi na makakapagpabigat ng iyong kalooban. Bago ako magbigay ng komento sa kanyang pagseselos, ibig ko munang sagutin ang iyong tanong. 

Para hindi na magselos ang foreigner mong boyfriend, kailangan niyang magtiwala sa’yo. Ang tanong, pinagkakatiwalaan ka ba niya? Pasensiya ka na kung nasaktan ka sa katanungan kong ito. Para kasing sa pahayag ko ay hindi ka karapat-dapat pagkatiwalaan pero tanging ikaw lang naman talaga ang nakakaalam ng kasagutan. Kung ikaw naman ay talagang tapat sa’yong minamahal at nagawa mo namang ipaalam o ipadama sa kanya ang iyong pag-ibig, baka nga talagang nasa bf mo ang diprensiya.

Ang payo ko sa’yo, mag-usap kayo ng bf mo, heart to heart. Sabihin mo sa kanya na nahihirapan ka kapag nararamdaman mong hindi ka niya pinagkakatiwalaan. Hindi naman komo may nakikita siyang kausap o kasama mong lalaki ay aakusahan ka na niyang two-timer. Iyon nga lang kapag nakita niyang nakikipag-flirt ka, may dahilan talaga na siya ay magselos. Sana ay mag-usap kayo ng heart to heart. Kailangan ay malaman ninyo ang nararamdaman at iniisip ninyo para naman hindi na rin lumalala ang kanyang pagseselos.

Hindi man kita gustong takutin pero kailangan mong malaman na ang sobrang pagseselos ay nauuwi sa karahasan. Hindi naman siguro kaila sa’yo na marami ang natsa-chop-chop dahil sa selos. Hindi ko naman sinasabi na ganoon kasama ang bf mo ngunit, talaga nga bang malayong mangyari iyon sa sitwasyon ninyo. Ikaw ang higit na nakakakilala sa kanya kaya ikaw din ang makakasagot niyan.

Ang alam ko lang, hindi madaling baguhin ang ugali kaya kung seloso ang boyfriend mo, ‘yung bang nasa punto ng nananakit at nagmumura siya, makabubuti pang pag-isipan mo na kung itutuloy mo pa ba ang pakikipagrelasyon sa kanya. Walang kuwenta ang samahan kung hindi na nagrerespetuhan. Maaari ring isang araw ay mawala na ang pagmamahal. Kung hindi mo pa alam, hindi ka niya pinakakatiwalaan.

O, sana ay nagawa kong sagutin ang iyong katanungan dito Dear Maria, Nylaren Zalso Guezmindo 

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here