Huwag Magsabing Siya Ay Mapurol Ang Utak

Masakit sa dibdib kapag sinabihan kang ‘mapurol ang utak’ mo. Ibig kasing sabihin noon, bobo ka, kaya kahit anong gawin mo, hindi mababago ang iyong buhay. Kahit gusto mong patunayan na kaya mo, may mga taong walang ginawa kundi pagtawanan at insultuhin ka. May pagkakataon pa na ang mga taong gumagawa noon sa’yo ay iyong kapamilya.

Kaya, importanteng pigilan mo ang iyong mga salita kung hindi naman ito makabubuti sa isang tao. Malaki pa nga ang tendensiya na kapag sinabihan mo siyang mapurol ang kanyang utak ay maisipan niyang magpakamatay. Kung marami naman kasi ang nagsasabi sa kanya na bobo siya, bakit pa niya gugustuhing makipaglaban sa  buhay?

Mas humihina kasi ang loob ng isa tao kapag ang sariling pamilya na niya ang uminsulto sa kanya. Dapat kasi ang pamilya niya ang kanyang magiging tagapagtanggol kaya kung ang nanay, tatay o mga kapatid niya ang ang magsasabi ng masasakit na salita sa kanya, At kahit hindi niya maisipan ang magpakamatay, sigurado pa rin na hindi magiging maganda ang kanyang magiging buhay.

Hindi man ako manghuhula pero natitiyak ko na hihina ang kanyang loob. Hindi siya maglalakas ng loob na gawin ang anumang naisip niya dahil nga ang tatatak sa kanyang isipan ay ang mga makapagpapahina ng kanyang kaloban. Kaya, kung talagang mahal mo ang iyong kapamilya, kahit pa sabihin mong napaka-slow naman talaga niyang mag-pick up, huwag na huwag mong sasabihin sa kanya na ‘mapurol ang utak’ niya dahil siguradong bababa ang tingin niya sa kanyang sarili.

Siguro naman ay hindi mo rin gugustuhin na ikaw ang magiging dahilan para hindi magkaroon ng magandang buhay ang iyong kapamilya, hindi ba? Kaya, ang masasabi ko sa’yo, sa halip na saktan mo ang iyong anak o kapatid, tulungan mo na lang siya at palakasin ang kanyang loob. Mas magiging masaya ka na makita na siya ay nagtagumpay dahil sa’yo kaysa makita mo siyang lugmok dahil sa’yong kagagawan.

O, gets mo ba ang sinasabi ko?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here