Paano Dapat Itrato Ang Asawa

Kung dati ay excited ang mga tao na makapag-asawa at magpakasal, ngayon ay pinangangambahan na rin ito ng marami. Paano ba naman ay hindi na ito kasing sagrado gaya ng dati. Malaki man o maliit na problema ay ibinabalandra na agad sa social media. Hinahanapan ng solusyon sa pamamagitan ng isang maimpluwensyang tao. Sa sarili kong opinyon ay hindi lamang solusyon ang hanap ng iba kundi nais din ng simpatya mula sa napakaraming netizens. Marami akong nakitang problemang mag-asawa na hindi na dapat ipinaabot pa sa social media. Mga hindi pagkakaunawaan na hindi naman lalala kung alam lang ng bawat isa ang kahulugan ng pinasok nilang ‘pag-aasawa’. Sa aminin man natin kasi at hindi, marami ang hindi nakakaunawa sa dapat nilang gampanan bilang asawa. Marami ang hindi alam kung paano dapat itrato ang isa’t-isa. Narito ang ilang tips na maaaring makatulong sa inyo para ang inyong pagsasama ay hindi humantong sa hindi maganda.

1.Dapat mong tanggapin ang kalakasan man o kahinaan ng iyong asawa. Pinakasalan mo man o hindi, siya ang pinili mo na makasama sa habambuhay kaya dapat una pa lang ay kilalanin mo na siyang mabuti at tanggapin ng buo ang kanyang pagkatao.

2.Igalang mo siya tulad ng paggalang mo sa iyong sarili. Hindi mo dapat siya binabastos lalo na sa harap ng iba at maraming tao. Igalang mo ang kanyang opinyon at bigyan siya ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanyang nalalaman sa isang usapin at saka nyo ito pagdesisyunan pareho.

3.Kapag hindi kayo nagkasundo, huwag mong salubungin ang galit niya. Ang magkasabay ninyong galit ay magreresulta ng mas malalim na hindi pagkakaintindihan. Pwede kayong magpalipas muna o magparaanan. Sa ganitong paraan ay mas malaki ang tsansa ng pagkakaunawaan.

4.Kaibiganin mo ang iyong asawa. Kadalasan ay mas maganda pa ang ipinapakita ng iba sa kanilang mga kaibigan kaysa sa kanilang asawa. Kaya kung ituturing mo rin ang iyong asawa bilang matalik mong kaibigan ay mas magiging makahulugan at makabuluhan ang inyong pagsasama dahil ang magiging pundasyon nito ay hindi lang bilang mag-asawa kundi bilang magkaibigan din.

5.Palagi mo siyang kausapin. Ang open communication sa pagitan nyo ang siyang magpapatibay ng pag-ibig at pagtitiwala nyo sa isa’t-isa. Kapag lagi kayong nag-uusap ay palaging nasa inyo ang pagkakataon na pag-usapan ang mga bagay bagay na posibleng magdulot ng problema kung sasarilinin nyo lang.

6. Huwag mo siyang pagbubuhatan ng kamay. Sa oras na dumapo ang kamay mo sa kanya ay dito na mag-uumpisang mabawasan ang pagmamahal at respeto niya sa’yo kaya napakahalaga nito sa inyong pagsasama. Kung talagang hindi mo na makokontrol ang sarili mo na saktan siya pisikal man o emosyonal, mas mabuti pang makipaghiwalay ka na lang sa kanya at ibalik sya sa kanyang pamilya ng maayos at walang black eye.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here