Sikreto Ng Masayahing Pinay

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging masayahin. Lalo na ang mga Pinay. Kahit anong gawin at kahit saan pa makarating ay bitbit ng isang Pinay ang kanyang magandang ngiti. Subok na ito sa gitna man ng hindi magandang sitwasyon at nakakalunod na mga problema ay mababakas mo pa rin ang kagaangan ng damdamin at pagiging masayahin ng isang Pinay. Pero ano nga ba ang dahilan nito? Bakit ang kasiyahan ay hindi natitinag sa kabila ng mga kasawiang nagaganap?

Ang sikreto ay nagmula pa sa mga ninuno. Bunga ng kaugaliang nagsaling lahi. Ang mga kababaihan noon ay may simple lamang na pamumuhay. Ang pinagdaraanang problema ay itinuring na bahagi ng buhay na dapat tanggapin at hanapan ng solusyon sa pinakamagaang na paraan. Wala pang mga gadget noon na kawili-wili at ang mga kababaihan ay may malawak na libangan magmula sa mga gawaing bahay, masayang gawain sa pinagtatrabahuhan at iba pang pinagkakaabalahan tulad ng pagluluto, pananahi, paggawa ng mga palamuti, pagbuburda at iba pa.

Ang kaugalian at katangiang ito ng mga Filipina ay patuloy na naisalin sa mga sumunod na henerasyon. Ibig sabihin, ang magaan nilang pagtanggap sa problema at pagseseryoso naman sa paglutas nito ang siyang dahilan kung bakit madaling nakaka-recover ang isang Pinay sa kanyang pinagdaraanan at nangingibabaw sa huli ang kanyang pagiging masayahin. Hindi ito dapat mawala sa mga susunod pang henerasyon sa atin. Dapat din nilang matutunan ang tamang pagharap sa maliliit man o mabibigat na sitwasyon ng buhay, nang sa gayon ay hindi mawala ang pagiging masayahin natin.

Kung paiiralin kasi natin ang katigasan ng damdamin sa bawat hindi magandang senaryo, malaki ang posibilidad na tayo ay makulong sa hawla ng kalungkutan. Hindi natin ito gustong mangyari pero pinapayagan natin. Sa oras na hayaan natin na kainin tayo ng sitwasyon at magpatangay sa agos, mata-trap lang tayo sa patibong ng tadhana. Mas magiging makabuluhan ang buhay kung hahawiin natin ang problema sa pamamagitan ng pag-iisip ng magandang solusyon. Dahil kung malawak ang ating isip ay mas mabuting solusyon ang makukuha natin. Iyan ang Pinay. Magaan magdala ng problema at iyan ang sikreto ng kanyang pagiging masayahin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here