Tunay ka nga bang kaibigan?

Sa panahon ngayon, hindi mo agad masasabi kung ang kasama mo ba talaga ay tunay mong kaibigan kung wala pa naman kayong pinagdaraanang mabigat. Sa oras ng kagipitan mo kasi malalaman kung sino ba talaga ang tunay mong kaibigan. Dahil kung iwanan ka niya sa sandaling kailangan mo siya, paano mo masasabing siya ay kaibigan mo?

May pagkakataon kasi na inaakala natin na isa siyang mabuting kaibigan dahil lagi natin siyang nakakasama sa mga gimik, pero, hindi mo ba naisip na kaya lang siya sumasama sa’yo ay dahil nakakalibre siya? Hindi naman kasi porke malambing siyang magsalita sa’yo ay masasabi na talagang mabait siya.

Kung minsan kasi, may nakukuha lang siya sa’yong makapagbibigay sa kanya ng kasiyahan kaya gusto niyang ipakita sa’yo na isa siyang mabuting kaibigan. Ngunit kapag dumating ang panahon na wala ka ng maipanlibre sa kanya, ang mga pekeng kaibigan mo ay unti-unti na ring lalayo. Ang mananatili na lang sa’yong tabi ay ang mga taong itinuturing ka talagang tunay na kaibigan.

Kaya, para hindi ka masaktan kapag dumating ang panahong lubog na lubog ka, huwag kang basta magtitiwala at maniniwala sa sinasabi mong kaibigan lalo na’t hindi mo pa naman siya lubos na kilala. Tulad nga ng madalas sabihin ng parents ko dati, dapat wala kang ibang pagkakatiwalaan ng husto kundi ang iyong sarili. May mga pagkakataon kasi na ang sinasabi mong kaibigan ang magdudulot sa’yo ng sakit at kabiguan.

Baka kasi hindi mo pa alam, may mga kaibigang ahas. Sila iyong laging nasa tabi mo pero may layunin palang kunin ang mga bagay at taong mahahalaga sa’yo. Kaya nga may mga magkarelasyong naghihiwalay tapos malalaman mo na lang na ang dyowa mo ay nasa bestfriend mo na.

Ay naku, sobrang sakit noon kaya sana ay sundin mo ang payo ko na huwag basta magtitiwala sa isang kaibigan. Malalaman mo lang kasi na tunay siyang kaibigan kapag dumating ang kagipitan sa’yong buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here