Dear Maria: May depresyon na si Labs

Dear Maria,

Nang pakisamahan ko ang ama ng anak ko, akala ko makakaahon na ako sa hirap pero mali ako. Hindi kasi ako gusto ng kanyang pamilya kaya pinalayas kami. Ayaw sa akin ng kanyang pamilya dahil may asawa si Alvin pero matagal na silang hiwalay bago kami nagsama. Hindi iyon kinaya ng kinakasama ko kaya napabayaan niya rin ang kanyang trabaho at ngayon ay nadi-depressed na siya kaya kung anu-ano na ang naiisip niyang gawin at isa na ang pagpapakamatay. Para tuloy gusto ko na siyang iwan at magpakalayo na lang kami ng anak namin. Baka sa pamamagitan noon ay bumalik sa dati ang kanyang buhay. Tama ba ang gagawin ko? Naguguluhan na rin kasi ako. — Claire

Claire,

Kung iiwan ninyo ng anak ninyo ang iyong kinakasama, nakasisiguro ka bang hindi lalong malulugmok ang ama ng anak mo. Aba, malamang ay tuluyan na siyang bumigay. Ang maipapayo ko sa’yo ay samahan siya hanggang wakas tutal ay nagawa ka rin niyang ipaglaban. Saka sa tingin ko naman ay hindi lang kayo ng anak mo ang dahilan kung bakit siya nadi-depress.

Sa pakiramdam ko sa kanyang sitwasyon ay nagdaramdam din siya sa kanyang pamilya dahil di magawang suportahan ang desisyon niya ngayon. Siyempre, ang nais lang naman ng kinakasama mo ay maging masaya. Kahit kasal siya, kung hindi naman sila nagsasama ay parang hindi maikukonsiderang siya ay may asawa. Kaya nga lang, sa paningin ng kanyang pamilya, ang mali ay mali at kailanman ay hindi maitatama. Kaya, nakalimutan din nilang intindihin ang damdamin ng iyong kinakasama.

Kung naghihirap na ang loob ngayon ng kinakasama mo, huwag mo na siyang pahirapan pa siya lalo. Tiyak kasi na iyon ang kanyang mararamdaman kapag iniwan mo pa siya. Sana nga lang ay kahit na nawala na sa kanya ang lahat ay mapanindigan mo pa rin ang inyong pamilya.

Sa pagkakaintindi ko kasi sa sulat mo ay kaya mo siya pinakisamahan ay dahil inakala mo na mababago niya ang iyong buhay. Kaya ngayong, naghihirap kayo ay ibig mo na siyang iwan. Kung ganoon ang gagawin mo, parang pinatunayan mo lang na hindi ka talaga karapat-dapat para sa kanya.

Kaya, bago ka muling magdesisyon sana naman ay pag-isipan mong mabuti. Higit kaninuman, ang anak ninyo ang mahihirapan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here