Malikot ang kamay, kahihiyan ng magulang

Kung talagang mahal natin ang ating mga magulang, hindi tayo gagawa ng anumang bagay na ikasisira nila. Kailangan lagi mong tatandaan na kung sakaling ikaw ay mang-uumit, ang laging sasabihin ng tao ay hindi ka napalaki nang maayos ng iyong magulang. Ngayon, tatanungin kita, maaatim mo ba iyon?

Naniniwala ako na kahit na gaano kasama ang isang tao, mayroon pa rin siyang kabutihan sa puso lalo na kung ang madadamay sa kalokohang kanyang ginawa ay ang kanyang mga magulang. Iyon nga lang, habang nang-uumit siya ay hindi niya naiisip kung anong kahihiyan ang kanyang kakaharapin.

May pagkakataon kasi na pabigla-bigla tayo sa ating mga desisyon. Kapag hindi kasi natin kayang kunin ang isang bagay na gustung-gusto natin, ang solusyon na lagi nating naiisip ay kunin iyon o nakawin. Maaaring magtagumpay ka ngang makuha iyon ng walang kahirap-hirap pero hindi naman laging suwerte ka. May pagkakataon na mahuhuli ka rin at malalagay sa matinding kahihiyan.

Ay naku, sa pagdating ng araw na iyon ay hindi lamang ikaw ang malalagay sa matinding kahihiyan kaya bago ka gumawa ng bagay na pagsisisihan mo, mag-isip ka munang mabuti. Kaysa nakawin mo ang bagay na iyong nagustuhan, mas maigi pang humingi ka na lang ng pera sa magulang mo o kaya naman pag-ipunan mo ang bagay na iyon hanggang sa mabili mo. Mas maa-appreciate mo ang isang bagay kung nakuha mo ito sa sarili mong pagsisikap.

O, sana naman ay huwag maging malikot ang kamay mo. Sige ka, baka maputol ‘yang kamay na ‘yan. Tandaan mo, lahat ng bagay na ginawa mo sa mundong ito, tama o mali ay may gantimpala o kaparusahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here