Huwag mananakit ng anak

IGALANG mo ang iyong mga magulang, ito ang ika-apat na utos ng Diyos na dapat mong sundin. Kung magiging suwail ka raw kasing anak, siguradong hindi ka makakatikim ng ginhawa pagdating ng araw. Kaya, kailangan talagang bawat sabihin ng magulang lalo na kung para naman sa’yong kabutihan ay gawin mo.

Kaya lang may mga magulang naman na sobrang mainitin ang ulo kapag hindi sila nasusunod. Nagiging magaan masyado ang kanilang kamay. Ibig sabihin, madali para sa kanila na manakit. May mga pagkakataon naman talaga na kailangang disiplinahin ang bata kaya dapat lamang na saktan mo, subalit, dapat may limitasyon.

Nang kabataan ko, madalas, nakakatikim ako ng palo sa puwet. Kaya naman hindi ko na inuulit pa ang aking kasalanan. Siyempre, hindi ko na gustong masaktan pa. Iyon nga lang, hindi lahat ng magulang ay tulad ng Mommy ko. Mayroon diyan, walang awa kung manakit sa kanilang anak. Kapag sinita mo, ang laging sinasabi, dinidisiplina lang nila ang kanilang anak.

Kung ganito kang magulang, kailangan mong tandaan ito. Hindi habambuhay ay bata ang iyong anak. Sa pagtanda mo ikaw ay hihina at siya ang magiging mas malakas sila at matatandaan nila ang maling gawa mo sa kanila. Nanaisin mo rin ba na maging magaan din ang kamay nila sa’yo?

Ang mga alaala, mabuti o masama ay tatanim sa puso at utak ng iyong anak. Kaya, huwag mo naisin na ang maaalala nila sa’yo ay ang masamang karanasan nila dahil iyong mga naranasan nila ang bubuo sa kanilang pagkatao. Saka, mas epektibo namang pagdisiplina iyong komunikasyon. Ibig sabihin, sa halip na gulpihin mo siya, kausapin mo siya at ipaliwanag ang maaaring kahinatnan niya sa paggawa niya ng mali.

O, sana naman ay hindi maging magaan ang kamay mo sa’yong anak.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here