Siya ba ay pagkakatiwalaan mo pa ba?

Kung nakagawa na sa’yo ng mali ang isang tao, talagang magiging mahirap na maniwala at magtiwala ka pa sa kanya. Kahit pa sabihing, binigyan mo siya ng ikalawang pagkakataon para patunayan ang kanyang sarili, bawat galaw niya ay pinagdududahan mo na rin. Kaya, kung ang isang tao ay napatunayan mong may malikot na kamay, magiging kampante ka pa ba na di niya gagalawin ang mahahalaga mong gamit?

Ang tiwala ay napakahirap na maibalik kung ito ay nasira na. Kaya, kahit second chance ay parang napakahirap ng ibigay. Katunayan nga, malaking kalokohan kung pagkakatiwalaan mo pa ang taong nanloko o nagnakaw sa’yo. Kapag ginawa mo nga iyon, para ka lang kumuha ng martilyong ipupukpok sa ulo mo. Kapag kasi kumuha ka ng gamit ng isang tao, hindi lang ang bagay o gadget o pera na iyon ang kinuha mo, pati na rin ang tsansa mo na pagkatiwalaan ka niya.

Kaya, masuwerte ka kapag pinagkatiwalaan ka ng isang tao. Ibig sabihin, nakikita niya sa’yo na may mabuti kang kalooban. At kapag nakatagpo ka ng taong magtitiwala sa’yo, huwag na huwag mo siyang gagawan ng kalokohan dahil ang taong nasaktan lalo’t labis na nagtiwala ay hindi nakakalimot. Kahit mag-sorry ka pa ng ilang beses sa kanya ay di na niya maibabalik pa ang tiwala niya sa’yo.

Kaya ako, kapag ginawan ako ng kalokohan ng isang tao, di ko na rin siya inaaway. Ipinararamdam ko na lang sa kanya na kahit na magkaibigan pa rin kami ay may malaking pader ng nakaharang sa amin. Kahit naman kasi lumipas pa ang mga araw ay hindi na mabubura sa aking isipan na sinira niya ang tiwala ko sa kanya. At malaki ang posibilidad na kapag pinagkatiwalaan ko siya ulit g husto ay sirain na naman niya.

Hindi masama ang magtiwala sa taong alam mong karapat-dapat pero sa isang pagkakamali niya, matauhan ka niya. Hindi man lahat ng tao ay perpekto pero tiyak naman may utak siya para malaman niyang mali ang sirain niya ang tiwala niya sa’yo. Kaya, huwag ka na magpaloko pa kung alam mo namang niloko ka na niya. Ang minsan kasi ay pupuwedeng maulit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here