Tandaan, hindi laging makapal ang iyong bulsa

Kung maganda ang iyong trabaho ngayon, natural na marami kang pera. Kaya naman lahat ng kailangan mo ay masusuportahan mo na at pati na ang mga gusto mo ay mabibili mo. Iyon nga lang may pagkakataon na nagagawa mong makalimot. Sa sobrang pag-eenjoy mo sa’yong buhay, nakakalimot kang mag-impok.

Mahalaga ang pagsi-save ng pera. Tandaan mo ‘yan. Hindi naman kasi habambuhay ay malakas ang iyong pangangatawan. Wala ka rin naman kapangyarihan para masilip mo ang kinabukasan kaya wala kang ideya kung may trahedyang darating sa’yong buhay at kakailanganin mo ng pera para malampasan mo ang lahat ng pagsubok na darating sa’yong buhay.

Huwag mo naman isipin na sinasabi kong ito ay dahil gusto lang kitang hadlangan sa pag-e-enjoy mo sa’yong buhay. Ayoko lang na dumating ang araw na wala ka nang mahagilap na pera sa bulsa kapag kailangan mo na talaga. Tandaan mo rin, habang tumatanda ka ay dumarami ang iyong responsibilidad kaya kailangan ay maging matipid ka, lalo na kung mayroon ka ng pamilya.

Huwag mong ituro sa mga anak mo na mamuhay sa luho dahil tiyak na hindi nila kakayanin ang hirap kapag nawala ang lahat sa inyo. Sabi ng Daddy ko dati, huwag mong isipin ang ngayon. Ang mas paghandaan mo ay ang kinabukasan. Dahil sa pagiging matipid niya, nagawa niya akong pamanahan ng mga ari-arian na hanggang ngayon ay napagkakakitaan ko. Kung naging magastos noon ang ama ko at ibinigay ang mga walang kuwenta kong kahilingan noong bata ako, malamang mas mahirap pa ako sa daga ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here