Pakikipagrelasyon, Hindi Dapat Minamadali

Noong araw, marami pa ang mga babaeng mahinhin.Yung hindi makabasag pinggan ang kilos. Yung mahawakan lamang ng lalaki sa dulo ng kanilang daliri ay kailangan na siya nitong pakasalan.Kaya naman maingat din ang mga lalaki noon. Pero kung ikukumpara ito sa kasalukuyan nating panahon ay sadyang malayong malayo na ang kaibahan. Hindi lang mga gadget ang sobrang bilis sa pagpapalit kundi halos lahat ng bagay sa ngayon ay napakabilis magbago. Tila ang lahat ay minamadali at kabilang na rin dito ang pakikipagrelasyon. Dahil meron na rin ngayon mabilis na paraan ng pakikipagkomunikasyon, kung kaya’t ang pagkakaroon ng unawaan sa pagitan ng dalawang tao ay sadyang napakabilis din. Kahit na hindi pa nagtatagpo sa personal, basta’t nagkaigihan na sa social media ay agad pinapasok ang pakikipagrelasyon na akala nila ay laro laro lang. Kaya naman kung gaano kabilis nila itong nasimulan, kadalasan ay ganoon din ito kabilis na nawawakasan.

Bakit? Dahil pinapasok nila ang isang relasyon na hindi nila alam kung ano ang nakapaloob dito. Para silang pumasok sa isang nakakatakot na kweba na wala silang dalang sandata at wala silang ideya kung anong uri ng halimaw ang kanilang kakaharapin sa loob. Kaya ang nangyayari ay maghahanap sila ng daan palabas nang kanya kanya para sa sarili nilang kaligtasan sa oras na hindi na nila makayanan ang kaganapan sa loob ng kweba. Kung ayaw mo na mangyari rin ito sa’yo, dapat ay huwag kang magmadali. Bago ka magdesisyon ay siguraduhin mo muna na handa kang gampanan ang tungkulin at sundin ang anumang rules na nakapaloob sa inyong relasyon. Dapat handa kang maglaan ng oras at atensyon at dapat ay handa ka rin hindi lang sa kasiyahan kundi pati na rin sa kalungkutang maaari mong maramdaman sa oras na pasukin mo na ang seryosong bagay na ito. Kung hindi ka pa handa ay huwag mo nang tangkain na pumasok dito dahil mabibigo ka lang. Dahil hindi ito nadadaan sa madalian kundi nangangailangan ito ng sapat na panahon upang pag-isipan bago pagdesisyunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here