Huminto kapag lamog na ang katawan sa pagtatrabaho

Magpahinga, kung nakakaramdam ka na ng sobrang pagod. Kahit naman kasi kailangan mo ng pera para ikaw ay mabuhay, di pa rin dahilan iyon para pagurin mo ng husto ang iyong sarili sa pagtatrabaho. Baka kasi sa labis mong pagtatrabaho ay bumigay din ang iyong katawan. Aba, kung ang machine nga ay bumibigay, ikaw pa ba na nakakaramdam ng pagkahapo?

Kung talagang mahal mo ang iyong pamilya, mas iisipin mo ang iyong sarili kaysa sa kakampot na kikitain mo. Maaaring ang dagdag na sahod na isang libo ay malaki na at mabibigyan mo ng laruan, gamot o anuman ang iyong pamilya sa halagang iyon kaso kung lamog na ang katawan mo sa pagtatrabaho, huminto ka na.

Maraming buwan na ngayon ang nakararaan ng sumalang pa rin sa stage ang isang sikat na komedyante kahit masama ang kanyang pakiramdam. Ang nasa isip kasi niya ay bayad na siya kaya ipinagpatuloy niya ang kanyang trabaho kahit na matindi na masyado ang kanyang paghingal. Iyon nga lang, di na niya natapos ang kanyang performance dahil di na niya kinaya ang sakit na nararamdaman sa kanyang dibdib. Kaya, nang gabing iyon ay namayapa si Chokoleit.

Eh, ikaw ba gugustuhin mong mangyari iyon? Aba, mas magiging kawawa ang iyong pamilya kung bigla mo na lang silang iiwanan. Kaya, maiging kapag nakaramdam ka ng kapaguran ay huminto ka.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here