Dear Maria: Wala ng oras si Labs dahil sa Trabaho

Dear Maria,

Tinatabangan na ako sa relasyon namin ni Justin dahil wala naman siyang oras sa akin. Pakiramdam ko ay hindi niya ako mahal kaya binubuhos lang niya ang atensyon niya sa trabaho. Ano po ba ang dapat kong gawin? — Beth

Beth,

Maigi kung mag-uusap kayo ni Justin, hindi ko naman kasi mahuhulaan kung ano ba ang nararamdaman niya. Basta ang alam ko, kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat ng paraan para mabigyan siya ng oras. Ooopps, hindi ko naman sinasabi ito para gatungan ang nararamdaman mo, sinasabi ko lang naman ang totoo kaya nga kailangan ay mag-usap din kayo para malaman mo na ang katotohanan.

Baka naman kasi mali ka rin ng hinala. Malay mo kaya sobra siyang nagtatrabaho ay dahil gusto lang niya talagang umangat ang kanyang buhay. Baka naman nais niyang mapansin lang ng boss niya dahil masigasig siyang umahon sa kahirapan na kanyang kinalalagyan.

Kaya, bago ka magduda riyan, isipin mo rin kung ano bang klase ng tao ang iyong karelasyon. Kung alam mo naman na pangarap din niyang makaahon sa kahirapan, may dahilan talaga siya kaya sobra siya kung magtrabaho. Isipin mo rin ang katayuan niya. At tulad din ng nauna kong sinabi sa’yo, mag-usap kayo para maglinawan.

Basta, ihanda mo rin ang iyong sarili sa kung anuman ang kanyang isasagot. Maaari kasing masaktan ka pero kukumpirmahin lang naman niyan ang hinala mo. Maigi na rin iyon para hindi ka na mahirapan pa. Pupuwede rin namang masiyahan ka kapag sinabi niya na kasama ka sa kanyang pagsisikap kaya maigi kung siya ay pagkakatiwalaan mo.

O, sana ay nakatulong ako sa’yo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here