Itim na tupa ka ba?

Bilang anak, masakit na matawag na itim na tupa o blacksheep dahil nangangahulugan na ikaw ang dahilan kaya namumublema ang iyong mga magulang. Kaya, kahit na sa puso mo ay hindi totoo iyon, parang wala ka na magagawa pa kundi panindigan ang paniniwala ng marami. Iyon nga lang, sa paggawa mo ng kung anu-anong kalokohan, higit mong sinisira ang iyong sarili.

Kung di ka mag-aaral ng mabuti, anong magiging buhay mo pagdating ng araw? Kung mabababa ang mga grado mo, siguradong maraming kumpanya ang di magtitiwala sa’yong kakayahan. Kung mas inuuna mo pa ang pakikipagrelasyon kaysa sa’yong pag-aaral, baka naman mag-asawa ka ng wala sa panahon. At kung mapapasama ka sa maling barkada, tiyak naman na mawawalan ka na rin ng gana mag-aral.

Kung feel mo na itim na tupa ka, maigi pang baguhin mo na ang ugaling ‘yan habang maaga pa. Hindi naman kasi sa lahat ng pagkakataon ay naririyan ang magulang mo para suportahan ka. Kaya, mag-isip ka nang mabuti at ayusin mo na ang buhay mo hanggang may pagkakataon ka pa.

May mga pagkakataon naman na ang tunay na itim na tupa ay magaling magpanggap. Maaaring sa ngayon ay ipapakita niya kung gaano siya kabuting tao pero darating ang panahon na lalabas ang tunay niyang kulay at malalaman ng lahat na pininturahan lamang pala a kanyang balat. Ibig sabihin, siya ay mapagpanggap. Maaari kasing may mga pagkakataon na kinaiinggitan niya ang kapatid niyang tinaguriang itim na tupa dahil palaging siya ang nabibigyan ng atensyon.

Kaya, importante rin sa mga magulang na maging mapagmasid. Hindi dapat na laging trabaho ang asikasuhin. Kailangan din naman na bigyan niya ng pantay pantay na atensyon ang kanilang mga anak. May mga pagkakataon kasi na nakatutok lang sila sa anak nilang gumagawa ng mali at nababalewala nila ang ‘mababait’ nilang anak dahilan para magtanim ito ng sama ng loob sa kanyang kapatid at mga magulang.

Sa hulu tuloy ay nagkakapalit ng posisyon ang magkapatid. Kung tinagurian ka kasing blacksheep, darating ang panahon na gugustuhin mo na magbago. Ang anak na nagkimkim ng sama ng loob ay siguradong parang bulkan na sasabog isang araw. At bilang magulang, siguradong di mo mapaghahandaan ang pagkakataon na ang inaakala mong mabuting anak ay mayroon din palang masamang pag-uugali.

Ikaw ba, anong posisyon mo sa’yong pamilya?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here