Huwag paniwalaan ang luha ng buwaya

May mga taong magaling magkunwari, kaya kailangan mong gamitin ang iyong utak para hindi ka mabiktima ng mga taong magaling magpanggap. May mga tao kasing sobrang magpaawa at talaga namang madadala ka sa sinasabi nila kaya naman labis mo siyang kaawaan hanggang sa mapilitan kang tulungan sila.

Mayroon nga akong kaibigan na kapag nagkikita kami ay marami siyang kuwento tungkol sa kanyang sakit. Sobra sobra na nga raw siyang naaawa sa kanyang sarili dahil parang walang pakialam sa kanya ang pamilya niya. Sa pananalita niya ay talagang maaawa ka pero kung pagmamasdan mo naman siya ay parang ang lakas-lakas niya. Kaya naman, hindi ko maiwasan ang magduda sa kanyang mga sinasabi.

Naisip ko tuloy gumawa ng imbestigasyon kung talaga nga bang may sakit siyang nararamdaman kaya pasimple ko siyang kinukumusta sa kanyang mga kamag-anak. Ang lagi namang isinasagot sa akin ay ‘okay lang naman’ siya. KUng ganoon nga, di totoo na may karamdaman siya.

Kaya, huwag kang agad na magpauto sa isang tao kung alam mo naman na magaling siyang magpanggap. Kung nangangailangan siya ng pera, mas maigi kung magtatrabaho siya. Kahit naman kasi tulungan mo siya ngayon kung wala naman siyang pinagkakakitaang regular, tiyak na lalapit lang siya sa’yo at manghihingi ng tulong. Aba’y hindi ka naman nabubuhay para lang sa kanya.

Kahit na kapamilya mo siya, hindi mo siya maaaring tulungan na lang palagi. Kailangan din siyempreng mayroon siyang sariling paraan para magawa niyang malutas ang sarili niyang problema. Kung lagi mo na lang kasi siyang tutulungan, hindi na siya matututo. Kaya, huwag kang magpadala na lang lagi sa kanyang drama.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here