Dear Maria: Itatakwil ng Pamilya dahil kay Mahal

Dear Maria,

Mahal na mahal ko si Roger pero ayaw sa kanya ng pamilya ko dahil maraming bisyo pero ayokong mahiwalay sa kanya. Anong gagawin ko, eh, sobra ko siyang mahal? — Diane

Diane,

Hindi porke mahal mo, paninindigan mo na talaga. Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, bago ka magmahal ng iba, mahalin mo muna ang iyong sarili. Isipin mo muna ang mangyayari sa’yo kapag nakatuluyan mo ang lalaking maraming bisyo. Tiyak na magkakaroon ka lang ng miserableng buhay at kahit hindi manghuhula ang pamilya mo, nakikita na nila ang mangyayaring sa’yo kaya ngayon pa lang ay kinokontra ka na nila.

Huwag mong isipin na kaya sila humahadlang sa lovelife mo ay dahil ayaw nilang maging masaya ka. Sa totoo lang, ang gusto nila ay maging masaya ka habambuhay kaya ang ibig nila ay makatagpo ka ng taong karapat-dapat para sa’yo. Sige nga, kung maraming bisyo si Roger, sa palagay mo ba ay ipa-priority ka niya?

Baka naman kung sakaling mabuntis ka niya ay bigla ka na lamang niyang talikuran. Aba, ikaw din ang kawawa niyan kaya ngayon pa lang ay gamitin mo na ang isip mo. Kaya, sana naman ay pakinggan mo ang iyong pamilya, higit ang iyong mga magulang dahil hindi ka nila ipapahamak. Sa totoo nga ay gusto ka pa nilang iligtas sa kumunoy na maaari mong matapakan.

Hindi naman porke siya ang karelasyon mo ngayon ay siya na ang makakatuluyan mo. Sabi nga, ang pinakamatinong lalaki na inilaan talaga ng tadhana para sa’yo ay makikilala mo sa takdang panahon. Kaya, makabubuting pag-isipan mo na tapusin ang relasyon mo sa taong hindi ka naman mapaninindigan hanggang sa huli dahil ikaw lang din ang magiging kawawa. Huwag mo na hintayin pa na mangyari iyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here