Bumaba ang potassium, highblood at mahina ang puso ni Jessie kaya siya binawian ng buhay bago sumapit ang Pasko. Sabi ng ina niya’t kapatid, di naman daw nagsasabi kung ano ba ang tunay na nararamdaman pero kapag nagkakasalubong kami ay inirereklamo ang mga binti niyang namamanhid daw. Ang tanging payong nagawa ko sa kanya ay magpahinga. Ang alam ko kasi ay galing siya sa trabaho.
Kaya naman ng ika beinte tres ng Disyembre, nagulantang na lang ako nang gisingin ako ng isa ko pang tenant at sabihing di na makalakad kaya binubuhat niya para makasandal o makaupo. Dahil sa di na niya makaya ang kanyang nararamdaman, nagsabi na siya na magpapadala na siya sa ospital. Iyon nga lang, dahil sa di na siya makagalaw ay kinailangan na niyang magpabuhat. Tatlong katao nga ang nagtulong tulong para siya ay mabuhat.
Hindi na ako sumama sa ospital pero nakikibalita naman ako sa nangyayari sa kanya. Umaasa ako na sa kanyang pagbabalik ay magiging okay na siya pero di iyon ang nangyari. Kinagabihan kasi, binawian na siya ng buhay. Ayon sa kanyang nanay ay bigla na lang tumigil sa pag tibok ang kanyang puso. At dahil sa di naman siya na check up nang tuluyan, ang sinabi lang niyang sakit ang naging basehan ng kanyang kamatayan.
Matapos ang dalawang linggo mula ng mamatay si Jessie ay nagkukuwentuhan kami ng ina niya sa silid na kanilang inuupahan nang biglang bumukas at sumara ang pintuan kahit wala namang tao. Kaya naisip namin na dumadalaw si Jessie at pagkaraan ay umilaw ang cp na ginagamit ng ina ni Jessie na ayon din sa matanda ay cp talaga ni Jessie. Dahil sa di niya kabisado ang cp na iyon ay nagpatulong siya sa akin para ayusin iyon. Ewan ko lang kung bakit sa tuwing may pipindutin ako sa cp ay laging napupunta sa ‘message’ na para bang mayroong dapat na mabasa roon.
Sa sent message at outbox nga ng cp ni Jessie ay natuklasang Nobyembre pa lang ay may sakit na siyang nararamdaman na talagang pinilit niyang tiisin. Doon din sa mga mensahe nito ay mayroon itong iniinda sa kidney na siyang maaaring tunay na dahilan kaya di siya makalakad. At dahil nga sa di siya nadala sa magandang ospital na may kumpletong pasilidad ay di natukoy kung ano ang tunay na dahilan ng kanyang kamatayan.
Sana nga lamang sa mga katanungan na nasagot ay magkaroon na rin ng katahimikan si Jessie kung saan man siya naroroon ngayon.