Dear Maria: Huwag takasan ang responsibilidad

Dear Maria,

Mahal ko ang boyfriend ko kaya naibigay ko sa kanya ang pagkababae ko pero iniwan niya ako. Ang problema ko, buntis ako at ayaw niya akong panagutan dahil may iba na raw siyang mahal. Para tuloy gusto ko na lang ipalaglag ang batang nasa aking sinapupunan. — Chloe

Chloe,

Malaking kasalanan ang naiisip mong gawin kaya huwag na huwag mong ipapalaglag ang nasa sinapupunan mo. Ang dapat nga ay mahalin mo iyan dahil siya ay dugo at laman mo kaya siya ang magiging kakampi mo sa’yong buhay. Gayunman, nararamdaman ko ang takot mo sa sitwasyong kinasusuungan mo ngayon dahil hindi naman talaga magiging madali na maging single parent.

Kaya lang, mas okay ng maging single parent ka kaysa naman patayin mo ang sarili mong anak. Maaaring ngayon ay balewala sa’yo ‘yan pero darating ang araw na makukonsensiya ka. Matatawag mo pang kriminal ang iyong sarili at kahit na lumuha ka pa ng dugo ay hindi mo na maibabalik pa ang buhay na nawala dahil lang sa pagtakas mo sa iyong responsibilidad.

Kahit mahirap, panindigan mo ang responsibilidad mo. Isipin mo na lang ang lahat ng kasalanan, kailangan mong pagbayaran. Hindi ko naman sinabi na kasalanang matatawag ang anak mo dahil hindi naman siya mabubuo kung di ka nagpabola sa ama ng anak mo. Gayunpaman, masasabi kong kasalanan naman na makipagtalik ka sa di mo asawa. Kaya lang, nandiyan na nga ‘yan kaya panindigan mo na.

Makabubuting humingi ka ng tulong sa’yong pamilya. Maaari ngang magalit sila sa’yo pero tiyak ko naman na magagawa ka rin nilang patawarin. Pagkaraan, matatanggap din nila ang iyong sitwasyon at tiyak ko na mamahalin nila ang iyong anak. Siyempre, kadugo nila ang iyong anak kaya di rin nila kayo matitiis.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here