Sulat ng ama para sa kanyang anak

Nais kong ibahagi sa inyo ang sulat na ito mula sa isang anonymus sender na nagpadala sa akin para sa kanyang anak.

Anak ko,

Bago mo mabasa ang liham kong ito, alam kong wala na ako sa mundong ito. Ayoko pa sanang lumisan pero ramdam kong ayaw mo na sa akin. Paulit-ulit mo ngang sinasabi na maikli na ang buhay ko tapos itatanong mo pa kung ilibing o i-cremate ako. Masakit ang ma-cremate, anak, kaya lang sabi mo, iyon ang mura. Kung ililibing ako ay mahal pa at lagi mong sinasabi sa akin na wala kang pera.

May cancer ako, anak, pero wala akong amnesia. Kaya, alam na alam ko kung gaano kalalaking pera ang naimpok ko para sa inyong magkakapatid pero ipinagdadamot mo iyon sa tatlo mo pang kapatid. Sabi mo, kulang pa ang pera na hawak mo sa pagsisilbi mo sa amin ng Mommy mo. May bayad pala ang pag-aalaga mo sa amin? Sana pala kumuha ka na lang ng caregiver para di ka na mahirapan pa.

Sana naman ay makapa mo sa puso mo ang pagmamahal. Hindi ka mabubuhay ng maligaya kahit marami kang pera kung marami ang nagagalit sa’yo. Mas masarap mabuhay kung makapagpapasaya ka, hindi iyong magpapahirap ka. Wala ka namang asawa at anak kaya dapat ay maging bukas palad ka sa mga kapatid mong mayroong pamilya. Ibahagi mo sa kanila ang mga salaping pinaghirapan kong ipundar para sa inyo. Hindi tamang ikaw lang ang nakikinabang niyan.

Kaya lang, matanda ka na. Ikaw na ang makapagdedesisyon ng dapat mong gawin. Sana lang naman ay huwag mong masyadong sambahin ang salapi dahil mawawala rin ‘yan. Ang dapat mong isa puso ay ang pagiging mapagbigay. Mas makakaramdam ka roon ng kaligayahan kaysa itago o lustayin mo ang perang di naman nakalaan sa’yo. Sana naman ay matuto kang makuntento, anak.

Gusto ko sana ay hintayin ka sa kinaroroonan ko kapag nagpaalam ka na rin sa mundong ito. Kaya lang, paano tayo magkikita kung di ako nakakatiyak kung aakyat ka rin sa langit? Sa panahon kasing ito, di na ang Maykapal ang pinaniniwalaan mo. Ang sinasamba mo na ngayon ay ang salapi kaya nga ayaw mo na silang pawalan.

Hay anak, hiling ko, sana ay magbago pa. Paglabanan mo sana ang diyablo na nasa loob ng utak at puso mo ngayon.

Nagmamahal,

Ang iyong ama

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here