Dear Maria: Kinaiinggitan kaya sinisiraan

Dear Maria,

Bakit po laging may naiinggit sa akin? Panay ang paninira nila sa akin.  – Rosemarie Miranda 

Rosemarie Miranda,

May mga taong kapag nagtatagumpay na sa buhay ay kinaiinggitan ng iba. Paano, kahit anong gawin nila ay hindi ka nila matatapatan. Kaya, kaysa mamatay sila sa inggit, gagawa sila ng paraan para ma-distract ka nila. Kabilang na siyempre ang paninira. Kung ikaw ay magpapaapekto ng todo, sasama lang ang loob mo at mawawala ang iyong konsentrasyon sa’yong trabaho o negosyo.

Kapag nangyari ang senaryong nawawalan ka ng gana sa’yong ginagawa, dyan naman matutuwa ang mga taong nainggit sa’yo. Huwag mo sila hayaang masiyahan dahil hindi naman sila makakatulong sa buhay mo. Sila pa nga ang magiging dahilan para magkaroon ka ng miserableng pamumuhay. Huwag mo hayaang mangyari iyon dahil ikaw lang din ang magiging kawawa.

Kung kinaingitan ka nila, lalo mo pa silang ingitin. Kailangan mas gumanda pa ang iyong buhay. Paano mo gagawin iyon? Kung anuman ang ginagawa mo ay ipagpatuloy mo lang. Kung may negosyo ka, mas palaguin mo. Hayan mo ang mga naiinggit sa’yo. Hanggang sa matagumpay ka, hindi mawawala ang mga ‘yan pero mas mabuti na iyon dahil alam mong mayroon kang pinatutunguhan. Kaya nga sila naiingit sa’yo, eh.

Kung sakali naman na sobra-sobra na ang ‘ paninirang ginagawa nila sa’yo. Lapitan mo sila at kausapin. Hindi mo naman kailangang makipag-away. Kailangan lang ay malaman nila na hindi mo nagugustuhan ang kanilang ginagawa. Kung hindi mo kasi gagawin ito, magiging kaawa-awa ka lang palagi dahil maaring masyado ka na nilang niyuyurakan. Hindi naman tama iyon. Huwag mong hayaan na maapi ka kaya ipakita mo sa kanila na palaban ka rin. Pero, inuulit ko, huwag makikipag-away. Pagsabihan mo sila at ipakita mo na kaya mo ring makipagsabayan sa kanila. Iyon nga lang, hindi mo kailangang mag-eskandalo para maramdaman nila na kaya mo silang labanan.

Kung sobra na kasi ang paninira nila, maari mo silang ireklamo sa barangay o kaya naman, idemanda. Bakit hindi ganoon ang iyong gawin? Kapag nakita nila na nagagalit ka na at hindi ka magpapaapi, siguradong titigil na ang mga ‘yan at magsu-sorry pa sa’yo. Kaya, matuto ka ring lumaban. Baka naman kasi sinisiran ka nila dahil wala lang silang magawa at naghahanap sila ng maibu-buly. Huwag mo hayaan na mangyari iyon. Tandan mo, kailangan mong ipagtanggol ang sarili mo kung naaagrabyado ka na talaga.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here