Dahil kay Madir nagpakasal sa lalaking ‘di mahal

Dear Maria,

Nagpakasal ako sa lalaking hindi ko mahal dahil sabi ng Mama ko, siya raw ang nararapat sa akin. Sa madaling salita, dahil sa pera. Sinunod ko ang Mama ko dahil ayoko siyang atakihin sa puso dahil sa pagsuway ko at ngayon nga ay kasal na kami. Hindi ko siya mahal kaya ayokong magpaangkin sa kanya. Iyon nga lang, kasal na kami. Payuhan mo naman ako. — Bella

Bella,

Kung kasal na kayo, wala ka ng magagawa pa. Kunsabagay, kahit naman mag-asawa kayo kung hindi mo naman gustong makipagtalik sa kanya ay wala siyang magagawa. Mabibilis pa ang proseso ng paghihiwalay ninyo. Ang tanong nga lang, ano ba ang plano mo? Makikipaghiwalay ka sa kanya? Napagbigyan mo na naman ang nanay mo, siguro naman ay hindi na siya aatakihin sa puso. Kaya nga lang, kapag nangyari iyon, paano ka mabubuhay? Oks lang kung may trabaho ka. Pero, paano kung kailangan mo ang pera ng asawa mo?

Hay naku, bakit ba kasi nagpakasal-kasal ka kung hindi mo naman makakayang panindigan? Malaking gulo ‘yan dahil kahit na kakakasal pa lang ninyo may bisa pa rin iyon. Ikaw pa ang mapapasama sa tingin ng marami dahil ang impresyon ng lahat ay nagpakasal ka dahil sa pera. Kunsabagay, iyon naman talaga ang totoo pero parang ang sakit lang, hindi ba? Parang ang sama-sama mong babae. Kahit pa ipagpilitan mong pinili mo lang maging mabuting anak.

Hindi ko naman sinasabi ito para ikaw ay aking husgahan. Pero gusto kong ipaalala sa’yo ang kamaliang nagawa mo. Nagpapakasal ang dalawang tao dahil nagmamahalan. Hindi dapat ‘yung nagpakasal ka dahil may pumilit sa’yo. Sabihin mo mang nanay mo siya, hindi ka dapat nagpadaig sa takot. Dapat ay kinausap mo siya. Sana nag-heart to heart talk kayo. Dapat, ipinaunawa mo sa kanya na hindi maaaring magpakasal ang dalawang tao dahil lang sa pera. Kahit pa sabihing inisip lang niya na mapapabuti ka sa mister mo na ‘yan.

Hay, sa tingin ko ay alam din naman ng mister mo na hindi mo siya mahal pero nag-take advantage siya dahil mahal ka niya. At sa palagay ko ay kahanga-hanga ang mister mo. Hindi siya sumuko hangga’t hindi nakukuha ang iyong ‘I do’. Iyon nga lang, parang lumalabas na masyado niyang ipinilit ang sarili niya sa’yo. Gayunman, nagpapilit ka naman kaya ngayon ay para kang daga wala ng masisilungan pa.

Kung mahal ka naman niya talaga, bakit ba hindi mo na lang pag-aralin na mahalin siya tutal ay kasal na naman kayo? Baka nga, hindi mo lang maamin sa sarili mo na mahal mo siya dahil mas gusto mong paniwalaan na kaya mo siya pinakasalan ay dahil sa sinabi ng Mommy mo at feeling mo ay aatakihin siya kapag hindi mo sinunod ang kanyang gusto.

Kung talagang mahal ka ng asawa mo, hindi ka niya pipilitin kung ayaw mong makipag-dyug sa kanya kaya nga lang, responsibilidad mo iyon bilang asawa niya. Mas maigi siguro kung mag-usap kayo ng mabuti. Ikaw naman ang masusunod kung pipiliin mo bang pag-aralan mo siyang mahalin o makipaghiwalay na lang sa kanya. Ang tanong nga lang, may pera ka bang gagastusin sa annulment? Baka naman mamaya niya ay idemanda ka pa niya dahil sa nilinlang mo siya.

O, huwag mo namang isipin na kinakampihan ko ang mister mo. Ang nais ko lang ay ipaunawa sa’yo kung ano ang maaaring mangyari dahil baka hindi ka na pawalan pa ng mister mo. Nandyan na ‘yan, wala na tayong magagawa pero kailangan mong panindigan ang nagawa mong kamalian. Kaya, isipin mong mabuti kung ano ba ang dapat mong gawin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here