Dear Maria: May ibang target si Labs

Dear Maria,

Hindi ko na sigurado kung mahal pa ba ako ng boyfriend ko. Para kasing nagkakagusto siya sa aking pinsan. Ano ba ang aking gagawin? Payuhan mo ako.

Tere

Tere,

Hindi kita kokontrahin sa paniniwala mong ‘yan, baka naman kasi totoo. Tayong mga babae ay malakas ang pakiramdam kaya talagang mararamdaman mong nanlalamig na siya sa’yo at may iba na siyang nagugustuhan kung nagagawa na niyang ibigay sa iba ang atensyong ibinibigay niya dati sa’yo. Kaya lang, di naman dapat na puro lang hinala. Alamin mo na ang totoo.

Paano mo magagawa iyon? Direkta mong tanungin ang iyong boyfriend. Maaaring masaktan ka sa kanyang isasagot pero mabuti na iyon para alam mo na ang totoo. Saka, kahit naman di mo alam ang totoo, ramdam mo na rin naman ang katotohanan kaya wala .na ring pagkakaiba iyon.

Kung mahal mo talaga ang isang tao, ang mahalaga lang dapat sa’yo ay ang kaligayahan niya. Ang importante lang ay maayos kayong maghiwalay ng boyfriend mo. Palayain mo na siya. Dapat din ay mag usap kayo ng pinsan mo. Kahit na nagustuhan siya ng boyfriend mo, di pa rin dapat masira ang inyong relasyon lalo pa’t di naman niya ito inakit. Ibang usapan na nga lang kung sinadya niyang agawin ang boyfriend mo.

Sana nga lang ay mag move on ka na pagkatapos mong malaman ang katotohanan. Ito ay para rin sa kabutihan mo. Isipin mo na lang na sa takdang panahon ay makikilala mo rin ang taong itinadhana talaga para sa’yo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here