Dear Maria: Buntis sa lalaking di type ng parents

Dear Maria,

Nag iisang anak ako kaya naman mahal na mahal ako ng parents ko pero madi disappoint ko sila ng todo kapag nalaman nilang buntis ako sa lalaking di nila gusto. Ano ba ang aking gagawin?  

Danica

Danica,

Natural lang na makaramdam ng disappointment ang iyong mga magulang dahil nabuntis ka ng walang asawa tapos di pa nila gusto ang iyong bf. Gayunpaman, sigurado naman akong magagawa pa rin nilang tanggapin ang iyong sitwasyon dahil mahal ka nila at apo nila ang iyong dinadala. ‘Yon nga lang, minsan ay mahirap umamin sa kasalanang nagawa natin lalo pa’t makakasakit tayo pero sabi nga, truth will set you free.

Teka nga pala, anong sabi ng bf mo sa’yong sitwasyon? Sana naman ay panagutan ka niya para mapatunayan niya sa parents mo na magagawa ka niyang panindigan sa habambuhay. Magkakaproblema ka lang kapag walang trabaho at may bisyo pa ang lalaking ‘yan. Di mo naman kasi nasabi sa akin ang dahilan kung bakit inaayawan siya ng parents mo.

Ang mga magulang naman kasi ay di komokontra sa gusto ng kanilang anak para hadlangan lang ang kanyang kaligayahan kundi dahil alam niyang iyon ang makabubuti. Pirmi mong tatandaan na walang magulang na gugustuhing mapahamak ang kanilang anak. ‘Yon nga lang nabuntis ka na.

Sana lang ay makasama mo ang iyong boyfriend sa pagharap sa’yong mga magulang. Kung matino at may trabaho naman ‘yan, wala na silang magagawa kundi i welcome ang bf mo sa inyong pamilya. Mangyayari nga lang iyon kung pakakasalan ka niya talaga.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here