Mga dapat ipayo sa mga Kabataan

May mga kabataan na naliligaw ng landas dahil hindi sila nagagabayan ng mabuti. Kung minsan kasi kahit na may mga magulang naman sila, di nagkakaroon ng pagkakataon ang mga ito para sila ay kausapin ng puso sa puso. Kung minsan kasi ay masyado silang abala at pagod kaya hindi na sila nagagawang intindihin ng kanilang mga magulang. Kaya naman, masusuwerte ang mga kabataan na mayroong kasamang tiyahin o tiyuhin, lolo at lola sa bahay dahil nagagawa silang mapayuhan para hindi sila maligaw ng landas.

Ikaw, may ipapayo ka ba sa mga mga kabataan? Kung ako ang tatanungin, naririto ang Mga dapat ipayo sa mga Kabataan

  1. Huwag magmadali sa pagtanda. Ang mga teenagers ngayon, kaka-thirteen pa lang katakut-takot na ang kulay ng mukha. Aba’y hindi dapat nila madaliin ang kanilang pagtanda. Mas maigi kung i-enjoy muna nila ang kanilang kabataan dahil hindi na nila iyan magagawa pang balikan. Kalimitan din, ang mga taong nagmamadali sa kanilang pagtanda ay kalimitang napapahamak, lalung-lalo na iyong mga kabataan na nag aasawa nang maaga.
  2. Huwag magplano masyado. Hindi naman mali na gustuhin mong makamit ang mga bagay na makapagbibigay sa’yo ng magandang buhay gaya ng kailangan aay maka-graduate ka ng Summa cum Laude at makapagtrabaho sa napakalaking kumpanya. Kapag kasi hindi mo matupad ang gusto mo, madi-disappoint ka lang ng sobra kaya huwag masyadong mag-expect. Mas maigi kung gagawin mo ang iyong the best.
  3. Huwag dumepende sa mga kaibigan. Hindi naman kasi porke malapit kayo sa isa’t isa ng pinili mong kaibigan, magtatagal na ‘yan habambuhay. Sabi nga, magiging tunay na magkaibigan lang kayo kung tatagal ng pitong taon ang inyong pagkakaibigan. Kahit naman kasi magkaibigan kayo, hindi maaaring lagi na lang kayong magkasama, may kanya-kanya kayong buhay. May mga pagkakataon din na ang itinuturing mong kaibigan ay siyang magpapahamak sa’yo.
  4. Mag isip ng mabuti bago magdesisyon. Hindi porke binubuyo ka ng kaibigan mo na gawin ang isang bagay ay papayag ka na. Kailangan mo rin siyempreng mag-isip. Dapat lang na gawin mo ito para di ka mapahamak. Tandaan mo, sa isang pagkakamali ay maaari kang magdusa sa habambuhay.
  5. Manghingi ng tulong sa kapamilya. Hindi lahat ng problema ay makakaya mo. Kailangan siyempreng may makuha ka ring gabay sa mga taong nagmamahal talaga sa’yo. Kahit naman masyadong busy ang iyong mga magulang, tinitiyak ko sa’yo na magkakaroon sila ng oras kapag nakikita nilang sobra kang nahihirapan.
  6. Magtiwala ka sa’yong sarili. Kung anuman ang pangarap mo sa’yong buhay, kailangan mong gawin dahil diyan ka magtatagumpay. May pagkakataon na kokontra sa’yo pati na ang sarili mong pamilya pero huwag kang magdaramdam. Kung minsan kasi, iniisip lang nila ang makakabuti sa’yo. Kaya lang kung makikita nila ang kakayahan mo, siguradong gugustuhin din nilang suportahan ka.
  7. Huwag masyadong dumepende sa magulang. May mga kabataan ngayon na hindi na iniisip ang kanilang kinabukasan. Mas pinipili na lang nila ang mag-enjoy ng todo kaysa maghirap sa pag-aaral lalo na kung naibibigay naman ng mga magulang nila ang kailangan at gusto nila. Kaya nga lang, hindi naman habambuhay ay nandiyan ang iyong mga magulang kaya makabubuti kung mag-aaral kang mabuti para makakuha ka ng magandang trabaho.

O, huwag mo itong kalilimutan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here