Dear Maria: Matakaw si Labs

Dear Maria,

Naiinis ako sa girlfriend ko, ang lakas niyang kumain kaya naman kapag nagdi-date kami ay kailangang may budget ako laging two thousand. Sobra kasing daming pagkain kapag siya ay mag-order. Gayunpaman, kahit matakaw siya ay hindi naman siya tumataba. Ano ba ang gagawin ko sa kanya? Kung minsan kasi ay nahihiya na akong makasama siya. — Louie

Louie,

Kung may hindi ka nagugustuhan sa girlfriend mo, kailangan mong sabihin sa kanya. Kung wala kang budget na pang-date, prangkahin mo siya. Para naman hindi siya mag-order nang mag-order. Pero, huwag mo naman sanang gawing isyu ‘yung katakawan niya. Siguro naman sa simula pa lang naman ay alam mo ng may katakawan siya, di ba?

Teka nga lang, talaga nga bang ang isyu mo lang sa girlfriend mo ay ang kanyang katakawan? Baka naman, kaya nagiging isyu sa’yo ngayon ang kanyang kapintasan ay dahil sa unti-unti ng nawawala ang feelings mo sa kanya kaya gusto mong ipalangalandakan sa lahat ang katakawan niya.

Kapag nga naman natanim sa utak ng marami na matakaw ang girlfriend mo, siguradong marami ang magpapayo sa’yo na hiwalayan mo na ang girlfriend mong matakaw. At baka magiging dahilan na ‘yan para maisip mong tama sila at mas makabubuti pa sa’yo kung hihiwalayan mo na lamang ang girlfriend mo.

Louie, pwede bang magpakatotoo ka na lang. Sabihin mo na lang sa girlfriend mo kung ano ba talaga ang nararamdaman mo para sa kanya para hindi ka na nahihirapan pa. Ngayon, kung sasabihin mong mahal mo pa naman ang girlfriend mo, tanggapin mo na lang na matakaw siya dahil di naman niya mababago iyon kundi niya gugustuhin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here