Babae, na-in love sa Tomboy

ANG lalaki ay para lamang sa babae at ang babae ay para lamang sa lalaki. Ito ang nakasanayan na natin at sinasabi lagi ng kaisipan natin na ganito ang dapat na mangyari. Kaya lang, sa panahon ngayon parang di na sa lalaki napupunta ang mga kababaihan. Maraming babae na kasi ang pinipili na lamang ma-in love sa tomboy tulad na lamang ng kaibigan kong itago na lang natin sa pangalang Gracia.

Si Gracia ay nain-love sa lalaki dalawang dekada na halos ang dumaan. Sabi niya, ang tatay ng kanyang anak lamang ang kanyang mamahalin sa habambuhay. Kaya lang, di nagkaroon ng katuparan ang kanyang sinabi dahil nambabae ang kanyang mahal at iniwan silang mag-ina kaya naman kayod marino ang kanyang ginawa mabuhay lang silang mag-ina.

Hanggang isang araw ay nakilala ni Gracia itong si Alex, short for Alexandra. Na-love at first sight si Alex kay Gracia kaya naman todo-todo ang panliligaw ni Alex sa babae. Ibig sanang pigilin ni Gracia ang nararamdaman niya kay Alex pero hindi niya magawa. Bigay todo kasi ang atensyon na ibinibigay nito sa kanya kaya mahirap sa kanya na di pansinin iyon tapos tanggap na tanggap pa nito ang kanyang anak kaya naman kahit na pareho ang kanilang kasarian ay nagawa nilang mahalin ang isa’t isa.

Kung minsan talaga ang tama ay hindi na nagagawang panindigan kung alam mong sa kanya ka magiging maligaya. At sa ngayon nga ay mahigit limang taon na silang nagmamahalan.

Sabi sa akin ni Gracia minsan, “Aanhin ko naman ang tunay na lalaki kundi naman ako paninindigan.”

Napabuntunghininga na lang ako bilang pagsang ayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here