Dear Maria: Minamaliit lagi ni Labs

Dear Maria,

Sobra-sobra ang sakit na aking nararamdaman dahil pakiramdam ko ay wala akong kuwentang tao. Lagi na lang sinasabi ng mister ko na hindi ko kaya, na baka magkamali lang ako kaya natatakot na akong sumubok magnegosyo dahil baka nga mapahiya lang ako. Payuhan naman ninyo kung ano ang dapat kong gawin. — Samantha

Samantha,

Nakakainis namang marinig na ang sarili mong asawa ay hindi naniniwala sa’yong kakayahan. Dapat nga siya ang kauna-unahang sumusuporta sa’yo dahil kapag nagtagumpay ka, siya rin naman ang makikinabang dahil nga sa mag-asawa kayo. Pero, para naman maging fair din sa asawa mo, baka naman kaya siya kumokontra sa gusto mo ay dahil sa ayaw niyang maglabas ng puhunan.

Kung problema ang pera, makabubuting huwag kang kukuha ng negosyo na nangangailangan ng malaking kapital. Umpisahan mo muna sa maliit. Ipakita mo sa kanya na magtatagumpay ka sa pagbi-business. Kung minsan kasi, mahirap maniwala kung wala namang ebidensiya kaya patunayan mo sa mister mo na kaya mo talagang magpalago ng negosyo.

Ngayon kung nagtagumpay ka na pero kumokontra pa rin siya, baka siya na ang may problema. Baka naman kasi ayaw niyang nakikita na nagtatagumpay ka dahil natatapakan ang kanyang pride. Kapag ganoon, kailangan ninyong mag-usap ng masinsinan. Hindi kasi maganda ang kanyang ginagawa. Kailangan kasi ay suportahan ka niya sa mga desisyon mo.

Iyon nga lang kapag naging mapilit ka, baka naman mag-suffer ang inyong pagsasama. Importante kasing magkaunawaan muna kayo ng husto bago mo ipaglaban ang gusto mo. Hangad ko na sana ay hindi na kailangan na umabot sa matinding awayan ang inyong problema. Maigi rin naman kasing magawa mo ang gusto mo para ikaw ay makaramdam din ng matinding kasiyahan.

O, huwag ka rin maging pabigla-bigla, ah.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here