Mga Dapat Ipagmalaki Ng Isang Babae

Noong araw, ang isang babae ay palagi lamang nasa tabi ng isang lalaki. Hindi nakikita ng lahat ang kanyang importansya. Tulad ng paniniwalang si Eba ay mula lamang sa tadyang ni Adan at nilikha upang may makasama lamang ang lalaki. Noon ay hindi binibigyan ng pagkakataon na makapag-aral ang isang babae dahil siya ay para lang maging asawa ng lalaki at maging sunud sunuran sa kanya. Subalit ang lahat ng paniniwalang ito ay matagal nang nawakasan. At marami sa ating bayani ay mga babae. Ilan sa kanila na nagkaroon ng malaking ambag sa kasaysayan ay sina Gabriela Silang,Tandang Sora, Teresa Magbanua, Josefa Llanes Escoda at Magdalena Leones.

Gabriela Silang- Si Gabriela Silang na nakilalang asawa ng isa ring bayani na si Diego Silang ay isang Ilokana na walang takot sa pakikidigma.Pinamunuan niya ang libo-libong mga gerilya laban sa Spanish garrisons kaya naman siya ay kinatakutan ng mga sundalong Espanyol.

Tandang Sora- Siya ay si Melchora Aquino na naging bayani dahil sa ginawa niyang pagtulong sa mga katipuneros na pinamunuan ni Andres Bonifacio at ng iba pa. Siya ay kinilala bilang ina ng rebolusyon. Binibigyan niya ng pagkain at ginagamot ang mga nasusugatang katipunero at hindi niya sila ipinagkanulo kahit noong siya ay mahuli.

Teresa Magbanua- Si Teresa Magbanua na nakilala bilang Visayan Joan of Arc ay ang kauna-unahan at tanging babae na namuno sa digmaan sa Visayas noong panahon ng rebolusyon. Ginamit niya ang galing at karanasan sa pangangabayo para sa pakikipaglaban at ibinenta rin niya ang kanyang ari-arian upang maisuporta sa pangangailangan ng mga gerilya.

Josefa Llanes Escoda- Si Escoda ay nakilala bilang certified social worker, suffragette, civic leader at war heroine. Nang pumutok ang ikalawang digmaan, si Escoda ay nahuli dahil sa kanyang kaugnayan sa pagtulong sa mga prisoners of war at mga stranded women and children.Matapang niyang hinarap ang sariling kamatayan sa kamay ng mga hapon.

Magdalena Leones- Hindi siya kasing sikat ng ibang babaeng bayani ng ating lahi at namatay siya nito lamang 2016. Ginamit niya ang kakayahan niyang makapagsalita ng niponggo at koneksyon sa simbahan upang makatulong sa kapwa Pilipino sa panahon ng digmaan laban sa mga hapon. Ilang beses man siyang nahuli ay palagi niya itong natatakasan dahil sa kanyang talino at matatamis na salita.

Ilan lamang sila sa mga babaeng dapat nating ipagmalaki. Bukod sa pagiging bayani ng ating lahi, ang kapangyarihan ng mga kababaihan ay patuloy na kinikilala ngayon sa iba’t-ibang larangan. Isang pagpapatunay na nakita na ng lahat ang tunay na halaga ng isang babae na kaya na ring gampanan maging ang tungkulin ng isang lalaki. Kaya kung ikaw ay isang babae, ipagmalaki mo ito. Ipagmalaki mo ang kakayahan na makapagsilang ng sanggol, magpalaki at maging huwaran ng lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here