KASUNDUAN NG PUSO

            “I LOVE YOU, GRACE…”

            Hinawakan ni Jake ang kamay ni Grace at pinisil iyon. Muli ay inulit nito ang mga katagang sinabi sa dalaga. “I love you…”

            Pero walang tugon na namutawi sa bibig ng dalaga. Nanatili itong nakatitig sa mga kasamahan nilang dumistansya sa kanila upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagsarilinan.

            Nang mga sandaling iyon ay marami ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtitipon-tipon sa sikat na people’s park sa Hongkong. Iyon ang araw ng day-off sa trabaho sa karamihan ng mga OFW, at ang lugar na iyon ang paboritong pasyalan ng mga Pinoy.

            Doon sila nagkikita-kita at nagbabalitaan ng kani-kanilang mga buhay-buhay. O kaya naman ay nakikibalita ng mga kaganapan sa sariling bansa. Doon sila sama-samang kumakain o kaya naman ay nagkakasya na lamang sa pagkukuwentuhan sa maghapon bilang paraan ng kanilang paga-unwind.

            Si Grace, isang siyang domestic helper, o mas partikular na tawaging yaya sa dalawang anak ng kanyang among Amerikano.  Masuwerte ang dalaga dahil mabait ang mga amo niyang Kano na naka-base na sa Hongkong dahil naroon ang mga business interest nito. Sa edad na 23, nakalimang beses na siyang nagpabalik-balik sa Hongkong.

            Samantalang si Jake ay isa namang helper sa mala-palasyong bahay ng kanyang mga among Britons. Tulad ni Grace, mababait rin ang amo niya at hindi ito mahigpit kapag siya ay humihingi ng day-off sa kanyang trabaho.

            May walong taon na ring nagtatrabaho sa kanyang mga amo ang binata.

            Ilang common friends nila ang naging dahilan nang pagkikilala ng dalawa. Sa people’s park din sila unang nagkita.

            Masasabing sa unang pagkikita palang nila, nagkaroon na agad ng magandang pagtitinginan ang dalawa. They became real good friends.

            Sa katunayan, tuwing nagsasama-sama ang kanilang grupo, silang dalawa ang laging magkapareha.

            They became inseparable.

Kung kaya naman naging tampulan agad ng tukso ang dalawa ng mga kaibigan. Bukod kasi sa sila na lamang ang mga binata at dalaga, silang dalawa na lamang rin ang hindi pa nakakaranas na pumasok sa isang relasyon.

Perfect ‘ika nila kung magkakatuluyan ang dalawa. Sa pananaw kasi ng mga kaibigan ay bagay na bagay ang dalawa para sa isa’t isa.

Pareho silang malaya.   

Pareho silang may maayos na trabaho at may naiipon na rin.

At higit sa lahat, nakikita sa kanilang mga ikinikilos ang espesyal na pagtingin sa isa’t isa.

            “Hello, po…Hindi ka man lang ba sasagot?” seryosong sabi ni Jake.

            “Ha?! Anu ba ‘yon?”

            “Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin naniniwala sa nararamdaman ko sa ‘yo?”

            “Jake, ilang ulit na ba natin itong pinag-usapan? Hindi ba may kasunduan tayo, na as long as we are happy together…we’ll always be friends. Hmmnn…” nagpa-cute pa si Grace sa binata.

            Tumahimik na lamang si Jake. Banaag sa mukha nito ang lungkot.

            “Huwag ka namang ganyan, o! Kapag malungkot ka, hindi rin ako magsasaya. Akala ko ba happy ka lagi kapag kasama ako. Hindi ganyan ang mukha ng masaya,” pagbibiro ng dalaga. “Smile ka naman, o! Sige na, please,” sabay akbay nito sa binata.

             Isang simpleng ngiti ang sumilay sa mukha ni Jake.

            Aywan ni Jake kung bakit hindi niya mapahindian ang dalaga kapag naglambing  na ito sa kanya.           

            Gayonman, hindi maalis sa kanyang isipan ang sinabi ng dalaga. Batid niyang sinang-ayunan nilang dalawa ang kasunduang iyon. Na magiging masaya silang magkasama, bilang magkaibigan.

No more, no less.

            Pero bakit nga ba nagkaganoon siya. Bigla niyang naramdaman na mahal na niya ang kaibigang si Grace. Na hindi na lamang isang espesyal na kaibigan ang turing niya rito. Bagkus, naramdaman na lamang niyang ito na ang nilalaman ng kanyang puso.

            Ang isinisigaw ng kanyang isipan.

            Ang babaing gusto niyang makasama sa habambuhay.

            “Hoy! Ano ba? Tumahimik ka na naman,” si Grace.

            “Hindi, may naisip lang ako. Halika na nga at sumama na tayo sa kanila.”

            “Sige…”

            Lumapit na nga ang dalawa sa iba pa nilang mga kasamahan. Halos ang grupo nila ay mga domestic helper sa Hongkong.

            “Ano’ng balita? Nagpahayag na naman sa ‘yo ng damdamin si Jake ano?” tanong ng kaibigan niyang si Jaja.

            “Oo nga. Minsan nahihirapan na rin ako kapag nakikita siyang malungkot. Naaawa ako sa kanya pero kailangan kong maging matibay sa aking desisyon,” paliwanag ni Grace.

            Napailing si Jaja. “Hindi talaga ako aprubado sa desisyon mong ‘yan. Bakit kailangang sikilin mo ang nararamdaman kay Jake dahil lamang sa isang masamang nangyari sa iyong kapatid. Grace, iba’t iba tayo ng kapalaran.”

            “May dahilan kaya ako ganito, Jaja.”

            “Pero mali nga ang iyong dahilan. We’re sorry sa kapatid mo, nagwakas ang buhay niya dahil sa isang lalaking manloloko. Pero hindi lahat ng lalaki ay gano’n,” giit nito.

            “Oo. Lahat sila ay mabait sa una. Pero kapag nakuha na ang gusto nila, paiiyakin ka nila. Huwag na nga natin itong pagtalunan, Jaja. Buo na ang desisyon kong maging magkaibigan lang kami ni Jake.”
            “Ikaw ang bahala. Pero nakikita ko na nahihirapan ka rin sa iyong ginagawa,” tinapunan pa siya nito nang makahulugang tingin.

            Batid ni Grace na totoo ang sinabi ng kaibigan niya. Matagal na rin kasi niyang pinipigilan ang puso na ibigin si Jake. Sa isang dahilan…

            Ayaw niyang matulad sa kapatid na kinitil ang sariling buhay dulot ng pagkabigo nito sa pag-ibig. Umibig kasi ito nang lubos sa isang lalaki, subalit nang lumaon ay natuklasan nitong niloloko lamang pala ito ng nobyo.

            Nang iwan ito ng lalaki, hindi nito nakayanan ang pighati at nagpatiwakal.

            Iyon ang matinding dahilan kung bakit ganoon na lamang ang takot ni Grace na umibig. Wala pa naman siyang anumang karanasan sa usaping iyon ng puso.

            Maaaring sa iba ay mababaw na dahilan iyon upang sikilin niya ang sariling lumigaya sa pag-ibig. Ngunit sa tulad niyang nakasama ang kapatid at nasaksihan  kung paano itong unti-unting nilamon ng kawalan ng pag-asa dahil sa kapighatian at matinding sakit na naramdaman ng isang biktima ng kapalaluan ng pag-ibig, para sa kanya, sapat na dahilan iyon upang ipinid ang pintuan ng kanyang puso sa sinumang magnanais na bumihag nito.

            NAGPASYA si Grace na maging matibay sa kanyang desisyon. Nakahanda siyang ilaan ang sarili sa pag-aalaga sa kanyang naiwang pamilya sa Pilipinas. Maging ito man ay kapalit ng sariling kaligayahan. Para sa kanya, sapat na iyong sila ay maging espesyal na magkaibigan ni Jake.

            Lumipas ang mga araw.

            Naging abala si Grace sa kanyang mga responsibilidad sa dalawang batang kanyang inaalagaan.

            Si John, 10 years old at ang bunsong si Cloie na 8 years old at parehong nag-aaral sa international school sa Hongkong. Marami kasing nakatakdang aktibidades ang dalawang bata sa school at siya ang kinakatulong ni Mrs. Clark sa pag-aasikaso ng mga iyon.

            Labis na kinagigiliwan ni Grace ang dalawang bata. Bukod kasi sa mababait at malalambing ang mga ito, nagkaroon na siya ng apeksyon sa mga bata sa loob ng ilang taon na rin niyang pag-aaruga sa mga ito.

            Hindi rin kasi maiaalis ang kanyang pangungulila sa dalawang nakababatang kapatid na halos siya rin ang nag-alaga sa mga iyon noong siya ay nasa Pilipinas pa. Kaya naman, sadyang nasa puso at isipan niya ang pag-aaruga sa dalawang bata.

            Isang buwan bago siya muling nakapag-day-off.

            Nagkita-kita silang muli ng kanyang mga kaibigan sa people’s park.

            “Anong nangyari kay Jake? Bakit hindi iyon sumasagot sa mga text ko sa kanya?” tanong  niya kay Jaja.

            “Hindi mo pa ba alam ang balita?”

            “Na ano?” nasa tinig niya ang pagtataka.

            “Broken-hearted po iyong tao. Kaya nagdesisyon na siyang magtrabaho sa ibang bansa para daw makapagsimula na siyang limutin ka,” paliwanag nito. “Ikaw kasi, sobra mong pinahihirapan ‘yung tao. Mahal na mahal ka niya, Grace.”

            “Kaya pala kahit mga tawag ko laging naka-off ang cell phone niya.”

            “Baka abutin mo pa siya sa airport. Ngayon ang alis niya pabalik sa ating bansa. Doon na raw siya maghahanap ng ibang mapapasukan.”

            “Ha?! Anung flight? Anung oras?”

            “Halika na nga at pumara tayo ng taxi. Sasamahan kita.”

            “Sige, bilisan natin, Jaja. Kailangang magkausap kaming dalawa.”

            Habang nasa taxi ay samu’t sari ang nasa isipan ni Grace. Ang totoo, hindi pa niya alam ang sasabihin sa binata kung sakaling magkikita pa sila.

            Hindi rin niya alam kung ano ang dapat gawin kung sakali namang hindi na niya maabutan ang kaibigan.

            Basta ang batid niya sa sarili, gusto niyang makita si Jake.

            Si Jake…na mula’t sapul ng kanilang pagkikilala ay nagpakita at nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal at pagpapahalaga ng isang kaibigan.

            Na sa lahat ng sandali ay handang tumulong sa kanya sa panahong siya ay nangangailangan ng balikat na masasandalan.

            At higit sa lahat, unti-unting nagliliwanag sa kanyang isipan…ang tunay na itinitibok ng kanyang puso…mahal niya ang binata at hindi niya kakayaning mawala ito sa kanyang buhay.

            Sa kasamaang palad, nagkabuhul-buhol pa ang trapik dahil sa isang aksidente.

            “Nakakainis, ngayon pa nangyari ito!” asik ni Grace. “Halika, takbuhin na natin at malapit na naman ang airport!”

            “Ikaw ang bahala! Tumakbo ka na at babayaran ko na ‘to!”

            “Salamat, friend. The best ka talaga!”

            Hangos na bumaba ng taxi si Grace. Hindi nito alintana ang masikip na daan dahil sa mga taong nagpasya na ring maglakad dahil sa pagkainip sa trapik.  Isa lamang ang laman ng isip niya, ang makita si Jake.

            Nagtuloy siya sa departure area ng airport.

            Nasaan na kaya si Jake? Sana hindi pa siya nakakasakay ng eroplano, bulong niya sa sarili habang iginagala ang paningin sa mga taong nasa loob na ng departure area at naghihintay ng public announcement ng kanilang mga flights.           

            Hayun! Si Jake nga ang lalaking iyon! Excited niyang nasabi sa sarili.

            “Jake!” malakas niyang sigaw habang palapit sa binata.

            “Grace!” nagtatakang  bati ng binata.

            Iyong lapit niya kay Jake ay buong higpit siyang yumakap dito. “Salamat sa Diyos at inabutan pa kita. Akala ko hindi na kita makikita.”

            Gulat na napayakap na rin ang binata kay Grace. Ilang minuto sila sa ganoong posisyon. Hindi nila alintana ang mga taong nagsisimula nang manood sa mga kaganapang iyon.

            May hindi maipaliwanag na emosyong bumalumbon sa pagitan ng dalawa. Hindi man sila nangungusap, ang kanilang mga mata, puso at kaluluwa ang siyang nag-uusap.

            Nagkakaunawaan.

            Humulagpos sa pagkakayakap ang dalawa. Nakaramdam sila ng pagkapahiya dahil marami na talagang nanonood sa kanila.

            “Teka, bakit hindi mo na ako makikita? Hindi ba sinabi sa ‘yo ni Jaja ang dahilan kung bakit ako pansamantalang uuwi ng Pilipinas?” nagtatakang tanong nito sa dalaga. “Siya rin ang sinabihan ko na ibalita sa iyong nawala ang cell phone ko at sa atin na ako bibili ng kapalit.”

            Napakunot ng noo si Grace. May kalituhang nagtanong ito sa kaharap, “Ibig sabihin ay hindi ka uuwi ng bansa para doon na maghanap ng ibang trabaho sa abroad?”

            “Hindi!”

            “Na broken-hearted ka raw kaya ka nakapagdesisyon ng ganon?”

            Sumandaling nag-isip si Jake bago sumagot.

            “Totoo, nahihirapan talaga ako dahil totoong mahal kita. Pero handa kong irespeto ang desisyon mo,” seryosong sagot nito habang nakatitig sa kaharap. “Pero uuwi lang ako sa Pilipinas pansamantala dahil malubha na ang itay ko.”

            “Gano’n ba? I’m sorry, Jake.”

            “Gano’n talaga, Grace. Pero teka, sino ba ang nagkuwento sa iyo ng mga iyan?” may pagka-iritang tanong ni Jake.

            “Si Jaja. Siya ang—“

            “Hayan! Nagkaunawaan na rin kayong dalawa. Sa wakas!”

            Nang lumingon ang dalawa ay si Jaja ang nasa likuran nila. Masayang nakangiti ito sa kanila.

            “Siguro naman ngayon hindi na ninyo pahihirapan ang isa’t isa dahil kitang-kita naman na mahal talaga ninyo ang isa’t isa,” si Jaja.

            “Pero— “

            Hindi na nagawang ituloy ni Grace ang sasabihin dahil isang masuyong halik ang iginawad sa kanya ni Jake.

            Halik na puno ng pagmamahal.

            Na buong pagmamahal rin namang tinugon ni Grace.

            Palakpakan sa departure area ang mga taong nakakasaksi ng masayang tagpong iyon ng pag-iibigan.

                                                            (wakas)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here