PAANO PUMUTI SA MURA AT NATURAL NA PARAAN?

Aminin nating mga Pinay na karamihan sa atin ay nagniningning ang mga mata sa oras na makakita ng salitang “whitening” sa mga skincare at makeup products sa market. Dampot at subok kaagad tayo ng mga produktong ito. At sa tuwing lumalabas naman ang fave actress natin sa commercial na may bagong whitening product na ineendorso, sugod kaagad tayo sa mga tindahan at health and beauty shops, siyempre hindi natin puwedeng palampasin ang chance na maging kasingputi ni idol.

Kaso hindi naman lahat sa atin ay kayang bumili ng mga whitening products. At mayroon ding mga ilan na hindi hiyang sa mga kemikal na nasa mga produktong ito. Pero huwag  mag-alala dahil may mga natural at affordable na paraan para ma-achieve pa rin ang flawless, white skin.

  1. CALAMANSI

Ang calamansi na yata ang pinakapopular na pampaputi para sa ating mga Filipino. Bukod sa pagiging mura at always available nito, tried-and-tested na rin ito. Pero para sa mga may sensitibong balat, kung minsan may dulot itong hapdi kung mag-isang gagamitin. Kaya magandang haluan ng mga ibang sangkap tulad ng honey na mayroong antibacterial at antifungal content na tumutulong din sa panlaban sa mga pesteng pimples. Nakakatulong din ang honey sa pagbibigay ng moisture sa ating balat na ating kailangan para maiwasan ang dryness na maaaring maidulot ng acid mula sa calamansi. Ang gatas naman ay  nakakatulong sa paghahydrate sa ating balat, ito ang responsable sa pagbibigay sa atin ng smooth, glowing skin.

Paano nga ba ito gamitin bilang pampaputi? Paghaluin ang tigi-isang teaspoon ng calamansi juice, gatas at honey.  Isawsaw ang cotton balls sa mixture at gamitin iyon pampahid sa mukha. Ibabad ang mixture sa mukha sa loob ng dalawampung minuto bago banlawan ng tubig. Maaaring ulitin ito ng 1-2 beses sa bawat linggo.

  • PATATAS

Sino ba ang mag-aakala na ang main ingredient ng ating paboritong chips at fries ay puwede rin palang makapagpaputi ng ating mga balat? Ayon sa research, ang patatas ay mayroong catecholase na may natural bleaching properties. Potassium na nakakatulong sa pagha-hydrate at pagmo-moisturize ng ating mga balat. Vitamin B6 na kailangan para sa formation ng bagong skin cells. Calcium na gumagamot sa dry skin. Magnesium na malaki ang naitutulong para panatilihing youthful ang balat at lumalaban sa free radicals na nagiging sanhi ng fine lines at wrinkles. Vitamin C na nakakatulong sa collagen production na responsable sa pagpapanatili ng firmness at elasticity ng balat. May kakayahan din ang patatas na protektahan ang ating balat mula sa UV rays at nagbibigay ginhawa sa sunburnt skin.

Paano nga ba  gamitin ang patatas bilang pampaputi? Hiwain nang manipis ang patatas at imasahe ito sa balat sa loob ng ilang minuto. Ibabad ng labinlimang minuto bago banlawan. Gawin araw-araw para makita ang resulta.

Kung ikaw ay mayroong extra dry skin, maaari mong haluan ng honey ang patatas. Mag-grate lamang ng patatas, pigain iyon hanggang sa makaipon ng tatlong kutsarang katas. Ihalo iyon sa dalawang kutsarang honey. Haluing maigi at saka ipahid sa balat. Banlawan makalipas ang sampu hanggang labinlimang minuto. Gawin araw-araw para makita ang resulta.

  • KAMATIS

Kilalala natin ang kamatis bilang sangkap sa ating mga paboritong Mechado, Caldereta at Spaghetti. Pero bukod sa pagpapasarap ng ating mga kinakain, mayroon ding benepisyong pampaputi ng balat tayong makukuha mula sa prutas na ito. Bukod sa bleaching property nito, mayroon itong Vitamin A component na lumalaban sa mga free radicals  na sanhi ng pagkakaroon natin ng wrinkles. Mayaman din sa Vitamin C ang kamatis na tumutulong sa pagpo-produce ng collagen na nagpapa-firm ng ating balat. Ang lycopene naman ay pumoprotekta sa balat laban sa UV rays.

Heto ang ilan sa mga paraan para magamit bilang pampaputi ang kamatis:

I-blend o i-grate ang isang kamatis. Ipahid iyon sa balat at iwan ng dalawampung minuto bago banlawan. Gawin araw-araw para makita ang resulta.

Kung gusto mong mabilis na makita ang pagputi ng balat, maaari mong isama ang lemon sa kamatis. I-squeeze ang parehong tomato at lemon hanggang sa makaipon ng tig-isang kutsarita ng katas. Puwede ring magdagdag ng kalahating kutsarita ng oatmeal para gawin iyong exfoliant. Ang exfoliation ay importanteng proseso sa pag-aalaga ng ating balat. Tinatanggal niyon ang dry skin at nakakatulong sa mas mabilis at mas epektibong paga-absorb ng mga iba pang produktong ating ia-apply sa  balat. Maaring gawin ang exfoliation isa hanggang dalawang beses isang linggo para mapanatili ang pagiging fresh at healthy ng skin.

  • BIGAS

Hindi lamang energy ang kayang ibigay sa atin ng bigas, may kakayahan din itong paputiin ang ating mga balat. Matagal nang ginagamit bilang anti-aging treatment ang rice powder. Sa Japan, ang mga geishas ay isinasama ito sa kanilang beauty routine. Malaking tulong ang rice powder sa pagbibigay sa mga ito ng kutis porselana.

Ang bigas ay mayroong mataas na konsentrasyon ng PABA (Para Aminobenzoic Acid) na isang mabisang sunscreen. Mayroon din itong Ferulic Acid na isang antioxidant na kapag isinama sa Vitamin C at E ay may kakayahang doblehin ang sun protection ability. Nakakapag-repair din ito ng balat dahil sa Allantoin. Ang Tyrosinase na isa pang component nito ay nakakatulong sa pagkontrol sa produksyon ng melanin na siyang nagdudulot ng pag-itim ng balat.

Paano ba ito ginagamit sa pagpapaputi? Durugin ang isang dakot na bigas hanggang maging fine powder. Ihalo rito ang isang tablespoon ng gatas. I-apply sa mukha bilang mask at ibabad ng labinlimang minuto. Banlawan ng normal na tubig at sundan ng malamig na tubig. Gawin ito dalawa hanggang tatlong beses isang linggo.

Kung bukod sa pagpapaputi ay gusto mo ring isara ang iyong malalaking pores, ihalo lang ang tatlong tablespoons ng rice powder, isang egg white at isang tablespoon ng honey. I-apply ang mixture sa balat at iwan ng dalawampung minuto. Banlawan ng maligamgam na tubig. Regular itong gawin para makita ang resulta.

Ito ay ilan lamang sa maraming natural na paraan ng pagpapaputi. Basta laging tatandaan, kung nagpapaputi huwag kalilimutang maglagay ng sunblock kung mae-expose sa araw para mabigyan ng proteksyon ang ating pinapuputing balat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here